(L-R) Sec. Ona with V-Gov. Kruni Escudero and Gov. Raul Lee (VAELabalan) |
LUNGSOD NG
SORSOGON, Enero 30, (PIA) – “For delivery na…,” ito ang pagtitiyak ni
Department of Health (DOH) Secretary Enrique Ona sa Pamahalaang Lalawigan ng
Sorsogon kaugnay ng mga kagamitang hiling ng Provincial Health Office para sa
mga ospital dito.
Ayon sa kalihim,
mithiin ng kanyang pagbibisita sa lalawigan ng Sorsogon noong Huwebes, Enero
24, 2012, ang tingnang maigi ang malapit na ugnayan at samahan sa pagitan ng
pamahalaang lokal at nasyunal.
Sa pagharap ni
Sec. Ona kay Sorsogon Governor Raul R. Lee at Vice-Governor Kruni H. Escudero,
mga hepe at kinatawan ng regional at provincial officers ng DOH at Philhealth
at mga alkalde ng Sorsogon, sinabi nito na mahalagang maabot ang nabanggit
niyang mithiin.
Base sa
ipinakitang Health Status Report ng Sorsogon ni Provincial Health Officer Dr.
Edgar F. Garcia, ipinaliwanag ni Sec. Ona na nakapaglaan na ang national
government ng mahigit P200-M dito sa Sorsogon para sa mga proyektong
pang-imprastruktura hanggang taong 2012.
Para naman sa
taong kasalukuyan, tinitingnan aniya ng DOH kung nagawa na ang mga ipinaabot na
tulong ng ahensya at kung handa nang gamitin ang mga ito. Kabilang sa mga
kagamitang hiniling ng PHO na aniya’y “for delivery” na ay ang dental chair,
hospital bed, x-ray, incubator, ECG machine at iba pa.
Sa ginanap na
pagpupulong sa tanggapan ni Gov. Lee, binigyang-diin ni Ona ang kahalagahan ng
pagiging isang enrolled member ng Philhealth. Sa pamamagitan aniya nito
malalaman kung sapat ang kakayahan ng lokal na pamahalaan hindi lang sa
gastusin para sa mga ospital, kundi pati na rin sa suweldo ng mga health
worker.
Hiniling din
nito sa mga naroroon sa pulong na tulungan ang mga tunay na mahihirap na isama
sa listahan ng National Household Target System ng Department of Social Welfare
and Development (DSWD). Dapat aniyang magtulungan ang national at local
government na mai-enroll ang mga mamamayang mahihirap, nang sa gayon ay
maka-akses ang mga ito sa benefit coverage na ibinibigay ng Philhealth dito sa
Sorsogon.
Todong nasiyahan
din umano ang Kalihim sa Kalusugan sa kanyang pagbisita sa Putiao, Pilar,
Sorsogon at naikumpara pa ito sa kanyang ginawang pagdalaw sa Mexico kung saan
sinabi nitong mas maganda pa ang kanyang nakita dito.
Kasama pa sa
dinalaw ng opisyal ang mga pasilidad pangkalusugan at nagpapatuloy na mga
proyekto ng lalawigan, partikular sa bayan ng Castilla, gayundin sa Fernando
Duran Memorial Hospital, Sorsogon City, Irosin District Hospital, Pantaleon G.
Gotladera Memorial Hospital sa Bulan at Matnog Medicare and Community Hospital.
(VAELabalan, PIO Sorsogon/BArecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment