Wednesday, January 30, 2013

Sektor ng Agrikultura, kailangang tutukan – Cong. Jack Enrile


LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 30 (PIA) – Dinalaw ni Cagayan 1st District Representative at senatorial aspirant Juan Castañer Ponce Enrile, Jr. ang lalawigan ng Sorsogon at nakipagpulong ito sa ilang mga lider at media dito.

Cong Enrile (VAELabalan)
Sa kanyang pagharap sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa tanggapan ni Sorsogon Governor Raul R. Lee, sinabi ni Enrile na ang lalawigan ng Sorsogon ang ika-75 na lugar sa mga dinalaw niya at hindi umano matatawaran ang yamang agrikultural ng lalawigan.

Sinabi ng opisyal na sa kanyang pag-iikot at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor sa buong kapuluan, nakita niya ang kalagayan ng bawat probinsya, kung saan mula aniya sa isang pagiging kahanga-hanga at puno ng pangakong bansa, ang Pilipinas ay napakaraming potensyal at medyo kailangan lang ng pagbabago sa tinatahak na direksyon upang matupad nang lubos ang mga ito.

Si Cong. Enrile ang may akda ng Batas Kasambahay, Food for Filipinos First, Credit Access and Protection Reform at Anti-Monopoly Bill. Isinusulong din niya ang pagsasabatas ng Food Sovereignty Bill na sasagot sa kakulangan o kawalan ng pagkain sa hapag-kainan ng mga Pilipino.

Batay sa kanyang adbokasiya na “Murang Pagkain, Maraming Pagkain”, kailangan aniyang tutukan ng maigi ang sektor ng agrikultura pagka’t 90 porsyento nito ang siyang ikinabubuhay ng 70 porsyentong mga mamamayang naninirahan sa mga rural na lugar.

Naniniwala ang kinatawan na kung nais talagang iangat ang buong ekonomiya ng Pilipinas, kailangang bigyan ng hanapbuhay o trabaho ang nakararaming mga Pilipino.

Nabanggit din nito na upang magkaroon ng competitive advantage ang sektor ng agrikultura, kailangang magpatibay ng isang sistemang tutugon sa pagkamit ng “food sovereignty”.

Dapat din umanong bigyan ng prayoridad ang  agrikultura at lumikha ng mga kinakailangang batas at balangkas para sa ikatatagumpay ng Agricultural Modernization Plan ng bansa. Sa pamamagitan aniya nito ay mabibigyan ng pagkakataon na makamit ang totoong potensyal ng agrikultura ng bawat probinsya at ang mga programa hinggil sa agrikultura ay maipatutupad.

Si Congressman Jackie Enrile ang nag-iisang anak na lalaki ni Senate President Juan Ponce Enrile at dating Ambassador to the Holy See, Cristina Castañer.

Sa pagharap naman ng kongresista sa mga lokal na mamamahayag ng Sorsogon, hindi naiwasang maikumpara ito sa kanyang ama at pag-usapan ang mga major accomplishment ng kanyang ama, subalit mapakumbabang inamin nito na hindi maihahambing sa sinuman ang naging makulay at matagumpay na buhay ng kanyang ama sa pulitika. (VAELabalan, PIO Sorsogon/BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment