Tuesday, January 29, 2013

Benipisyaryo ng 4Ps, hindi maaring tanggalin ng sinumang lokal na opisyal ng gobyerno, ayon sa DSWD


LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 29 (PIA) – Binigyang-linaw ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 5 Assistant Regional Director Felix Armena na walang karapatan ang sinumang alkalde o punong barangay na basta na lamang magtanggal ng sinumang benepisyaryo mula sa masterlist ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ito ay bunsod ng ilang reklamong nakumpirma ng kanilang tanggapan na may mga punong barangay na winawarningan o tinatakot ang mga benepisyaryo ng 4Ps sa kanilang mga nasasakupang lugar na tatanggalin sa listahan ng mga benepisyaryo sakaling hindi nila suportahan ang iniindorso nilang alkalde sa darating na halalan.

Sa kanyang paglilinaw, sinabi ni Armena na maaari lamang maalis sa masterlist ang isang benepisyaryo ng 4Ps kung hindi ito nakasunod sa mga itinakdang alituntunin ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at hindi dahil sa hindi ito sumuporta sa isang pulitiko.

Aniya, tanging ang tanggapan lamang ng DSWD ang siyang magdedesisyon kung dapat na tanggalin sa listahan ang isang benepisyaryo ng 4Ps dahil lumabag ito sa mga patakaran tulad halimbawa ng pagpapatigil sa pag-aaral ng mga anak at pagpapabaya sa kalusugan ng anak.

Awtomatiko din umano nilang tinatanggal sa listahan sakaling mapatunayan, yaong mga pamilyang nakakaalwan sa buhay subalit naitala bilang benepisyaryo.

Kaugnay ng mga reklamong nakarating sa kanilang tanggapan, nagsagawa na sila ng inisyal na hakbang sa pamamagitan ng pinalawak na pagpapaabot ng tamang impormasyon sa mga komunidad at pagpapaigting pa sa kampanyang “Bawal ang EPAL dito”.

Sinabi din niyang matagal na rin nilang ipinapaliwanag sa mga benepisyaryo at mga pulitiko na iwasang magamit ang Poverty Reduction Program ng gobyerno para manghikayat o manakot ng mga botante.

Aminado siyang dapat na mabigyan ng kaukulang pansin at solusyon ang reklamo lalo pa’t programa ito ng pamahalaang nasyunal kung saan makikinabang ang libo-libong mga mahihirap na Pilipino.

Umaasa din si Armena na tutugon ang mga lokal na opisyal sa kanilang panawagan at umaasang tutulong na lamang ang mga ito upang maipaabot ang programa ng 4Ps sa tamang mga benepisyaryo. (FBTumalad/BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: