Tuesday, January 15, 2013

DTI Sorsogon muling nagpaalala sa paggamit ng helmet


Photo: article.wn.com

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 15 (PIA) – Muling ipinaalala ng Department of Trade and Industry (DTI) Sorsogon sa tsuper at back-rider ng mga motorsiklo na gawing ligtas ang kanilang pagbyahe sa lansangan sa pamamagitan ng paggamit ng helmet.

Abiso ni DTI Sorsogon Planning and Information Officer Senen Malaya sa mga motorista na huwag gagamit ng mga helmet na hindi dumaan sa quality product standard.

Pinayuhan din niya ang mga bibili pa lamang ng helmet na huwag silang papayag na walang Import Commodity Clearance (ICC) sticker ang bibilhing helmet sa tindahan.

Matatandaang una nang inabisuhan ng DTI ang mga tindahan na alisin na ang mga helmet na walang sticker. Sa Sorsogon, limang tindahan ang aydetipikado nilang nagbebenta ng magagandang uri at ligtas gamiting helmet.

Photo: wondermomsworld.com
Panawagan din niya sa publiko na agad na isumbong sa kanilang tanggapan sakaling may mga tindahang nagbebenta pa ng mga helmet na walang sticker upang makumpiska nila ang mga ito.

Nilinaw din niya na tapos na ang ginagawang helmet registration ng DTI at hindi na rin sila tatanggap pa ng mga magpaparehistro pa nito. Sakali umanong mahuli ng mga awtoridad ang mga motoristang hindi gumagamit ng helmet ay pagmumultahin ang mga ito. Sa ilalim ng Motorcycle Helmet Law, P1,500 ang penalidad para sa unang paglabag, P3,000 sa ikalawang paglabag, P5,000 sa pangatlong paglabag at P10,000 at pagkumpiska ng lisensya sa pang-apat na paglabag.

Sinabi din ni Malaya na hindi na rin sila nagkulang sa kanilang kampanya at paalala sa publiko ukol sa pagkakaroon ng ICC sticker ng mga helmet sapagkat halos ay isang taon na rin silang nanawagan sa mga motorista na magparehistro nito sa DTI.

Pinaalalahanan din niya ang mga motorista na huwag bibili sa mga indibidwal na nagbebenta ng mga helmet sapagkat hindi sila nakatitiyak kung lehitimong dumaan ang mga ito sa quality product standard test. Mas makatitiyak umano sa kalidad ang mga bibiling motorista kung sa mga lehitimong tindahan ito bibili.

Sa nakalap na datos ng PIA Sorsogon mula sa mga ipinapadalang ulat ng Sorsogon Police Provincial Command, umabot sa 16 ang bilang ng mga naaksidenteng motorista sa lansangan kung saan karamihan dito ay hindi gumamit ng helmet kabilang na ang mga menor de edad. Ang mga sangkot sa aksidenteng ito kung hindi namatay ay nagtamo ng malubhang tama sa ulo. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment