photo: flickriver.com |
Ni:
Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 14 (PIA) – Sinimulan
na ng pamahalaang lungsod ng Sorsogon ang kanilang taunang Business One-Stop
Shop (BOSS) noong nakaraang linggo, Enero 7, 2013.
Ang Business One-Stop Shop ay naglalayong
mapabilis ang pagkuha o pag-renew ng mga negosyante ng kanilang permit at
lisensya upang patuloy na makapagnegosyo sa lungsod.
Ayon kay City Permit and Licensing OIC
Division Chief Rodel Ferreras, hanggang sa Sabado, Enero 19 na lamang ang
gagawing Business One-Stop Shop ng Sorsogon City kung kayat hinikayat niya ang
mga negosyante sa lungsod na samantalahin ang pagkakataong ito upang mas
mapadali ang pag-aayos ng mga dokumento at pagkuha nila ng kanilang mga
lisensya para sa taong 2013.
Aniya, taon-taon na nilang ginagawa ang
BOSS upang hindi na mahirapan pa sa paglakad ng kanilang mga papeles para sa pagrenew
o pagkuha ng permit at lisensya ang mga negosyante sa lungsod ng Sorsogon.
Makikita umano ang iba’t-ibang mga
tanggapan ng pamahalaan na sangkot sa pagpoproseso ng mga dokumentong kailangan
upang makapag-renew o makakuha ng permit at lisensya nang sa gayon ay malayang
makapagpatuloy ng operasyon ang mga negosyante dito. Kabilang na dito ang Bureau
of Internal Revenue (BIR), Department of Trade and Industry (DTI), Bureau of
Fire Protection (BFP) at iba pang mga tanggapan.
May telibisyon ding nakabukas at ibinibigay
na libreng kape para sa mga negosyanteng naghihitay habang inaasikaso ang
pagpoproseso ng kanilang mga papeles. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment