Wednesday, January 9, 2013

Pista ng Itim na Nazareno ipinagdiriwang din ng mga deboto sa Sorsogon

Photo by: thepensieveonline.blogspot.com
Ni: Bennie A. Recebido


LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 9 (PIA) – Hindi lamang sa Metro Manila abala ang mga deboto ng Poong Nazareno kundi maging dito din sa lungsod ng Sorsogon kung saan isang banal na misa mamayang alas-dos ng hapon na susundan ng isang prusisyon ng Mahal na Poon ang tatampok sa selebrasyon ng Pista ng Nazareno ngayong araw.

Pangungunahan ang mga aktibidad ng Devotees of Black Nazarene na una nang inorganisa dito noong Marso taong 2009 ng mga disipulo ng Diocese ng Sorsogon na inaprubahan naman ng noo’y rector ng Sts Peter and Paul Parish Msgr. Choi Esperida.

Ayon sa isang deboto na siya ring nag-organisa ng grupo ng mga mananampalataya sa Poon, ito na ang ikatlong taon na ipuprusisyon nila ang Poong Nazareno na ipinagawa pa nila sa lalawigan ng Albay at dumating sa Sorsogon noong Hunyo 2009.

Aniya, ginagawa din nila ang regular na pagrorosaryo tuwing Biyernes, alas sais y medya ng hapon kung saan intensyon nitong hilingin sa Poon na pagalingin ang mga maysakit sa pamamagitan ng pagdarasal at pananampalataya.

Tuwing unang Biyernes naman ng buwan ay nagkakaroon sila ng pagrorosaryo at pagnonobena sa Poon tuwing alas-kwatro y medya ng hapon.

Sa kasalukuyan ay higit na naging maginhawa para sa mga deboto ang pagdarasal sa Poon matapos na ibigay sa kanila ang isang bahagi ng Sts. Peter and Paul Cathedral na nakaharap sa kahabaan ng Rizal St. sa lungsod ng Sorsogon noong Nobyembre 9, 2012 kung saan nakalagak ang imahe ng Poong Nazareno at bukas para sa pananampalataya ng publiko mula alas-singko ng umaga hanggang alas-nueve ng gabi sa mga araw ng Lunes hanggang Sabado at alas kwuatro naman ng umaga hanggang alas-nueve ng gabi tuwing araw ng Linggo.

Pahayag pa ng deboto na napakaistratehiko ng lugar na ibinigay sa kanila ng Diocese ng Sorsogon sapagkat naobserbahan din nila ang pagbabago sa mga dumaraang Sorsoganon, ano man ang estado sa buhay, kung saan nag-aantanda ang mga ito at nag-aalay ng dasal. Nakikita din umano nila na unti-unting naibabalik ang pananampalataya at pagiging malapit sa Panginoon ng publiko.

Ang Devotees of Black Nazarene ay mayroon nang 50 regular na kasapi mula sa iba’t-ibang mga barangay sa Sorsogon City at patuloy pa umanong dumarami. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment