Thursday, January 10, 2013

Kaguluhan sa SPJ noong Bagong taon tinututukan ng SP


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 10 (PIA) – Tinututukan sa ngayon ng Sangguniang Panlalawigan (SP) sa pangunguna ni Sorsogon Vice Governor Antonio “Kruni” Escudero ang pag-usad ng imbestigasyon sa naganap na kaguluhan sa loob ng Provincial Jail (SPJ) noong Enero 1, 2013 kung saan isang jail guard ang nasaksak at limang bilanggo ang nasugatan.

Ilang mga hakbang din ang nais isulong ng SP upang matuldukan na ang mga karahasan sa loob ng SPJ.

Sa programang Sanggunian Panlalawigan Update, sinabi ni Bise-Gobernador Escudero na siya ring tumatayong Chairman ng Committee on Peace and Order ng SP, nais niyang matukoy ang tunay na pinag-ugatan ng nasabing pangyayari.

Imumungkahi din niya umano kay Sorsogon Gov. Raul R. Lee na ibyahe na ang mga sentensyadong bilanggo sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa upang mabawasan na ang pagsisiksikan ng mga ito sa karsel at mabawasan na rin ang mga pasaway na inmates sa SPJ.

Hiniling din ng bise gobernador sa Department of Justice Provincial Prosecutors Office na bilisan ang paglilitis ng mga kaso nang sa gayon ay mapalabas na sa bilangguan ang mga walang sala at matira na lamang sa kulungan yaong mga bilanggong may dapat na panagutan sa batas.

Samantala, sa pinakahuling sesyon naman ng Sangguniang Panlalawigan, tinalakay sa ginawang privilege speech ni Board Member Eric Dioneda ang naganap na kaguluhan sa SPJ at sinabi nitong dapat nang gumawa ng mabilisang aksyon ang lokal na pamahalaan upang matuldukan na ang ganitong karahasan sa loob ng bilangguan.

Balak ding ipatawag ni Committee on Rules, Privileges and Amendments Chair Board Member Arnulfo Perete ang mga mayor sa loob ng SPJ upang makakalap ng mga impormasyon ukol sa kalagayan ng mga bilanggo at makagawa din sila ng mga kaukulang hakbang na makakatulong sa pagsasaayos ng sistema sa loob ng SPJ.

Pinag-aaralan din ng SP kung dapat ngang ilipat ang pamamahala ng SPJ sa Bureau of Jail Management and Penology.

Base sa rekord ng Sorsogon Provincial Jail, mayroon itong 408 na kabuuang bilang ng mga bilanggo kung saan lima dito ang nasentensyahan na at nakatakda nang ibyahe sa NBP, isa ang nasenstensyahan na ng mababa sa tatlong taong pagkakakulong, habang patuloy pang nililitis ang kaso ng 402 pang natitirang bilanggo. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment