Friday, January 11, 2013

Dry-run sa operasyon ng Class AA slaughter house ng Sorsogon City isasagawa

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Enero 11 (PIA) – Pangungunahan ng Sorsogon City Veterinary Office ang gagawing Class AA Slaughter House Orientation at Dry Run sa operasyon ng pinakabagong katayan ng mga hayop dito sa lungsod ng Sorsogon.

Ayon kay City Veterinary Office Technician at Media Affairs in-charge Arwil P. Liwanag, ang hakbang na ito ay gagawin upang masuri ang kapasidad ng mga kagamitan at iba pang mga pasilidad sa loob ng slaughter house bago tuluyang buksan at maging permanente ang operasyon nito.

Aniya, inatasan na rin ang mga magdadala ng kakataying hayop na dalhin na ang mga ito sa bagong slaughter house mula alas-otso kanina hanggang mamayang hapon para sa gagawing dry-run bukas. Ala-una naman mamayang hapon gaganapin ang oryentasyon para sa mga magiging tauhan ng slaughter house.

Si City Veterinarian Dr. Alex Destura ang magbibigay ng pambungad na pananalita at mensaheng magbibigay inspirasyon ang ibibigay naman ni City Mayor Leovic Dioneda.

Ilang mga personalidad mula sa National Meat Inspection Service (NMIS) Region V ang tatalakay ng mga paksang makakatulong upang higit na mapaganda ang operasyon ng bagong slaughter house ng lungsod.

Tatalakayin ni OIC Regional Technical Director Dr. Mateo P. Puatu ang Requirements for Accreditation of Class AA Slaughter House; Flow of Operation of Class AA Slaughter House ang tatalakayin ni Senior Meat Control Officer Dr. Alex Templonuevo at ang paksang Sanitation of Abatoir ang tatalakayin ni Regional Sanitary Engineer William G. Sabater ng Department of Health (DOH) Bicol.

Isang kinatawan mula sa fabricator/supplier ng slaughter house ang tatalakay sa paksang Utilization Operation of Slaughter House Equipment and Facilities. Si OIC Slaughter House Administrator Eugene Azas ang siya namang naatasang magbigay ng pangwakas na pananalita.

Mamayang hatinggabi hanggang bukas ng alas sais ng umaga gagawin ang dry-run sa operasyon ng slaughter house. Libre umano ang dry-run at walang kokolektahing anumang bayad mula sa mga magpapakatay.

Sinabi din ni Liwanang na may dalawang slaughter house ang lungsod, isa sa Sito Mahingan, Brgy Cabid-an at isa sa Brgy Rawis sa Distrito ng Bacon. Subalit kapag tuluyan nang nabuksan ang bagong slaughter house ay ipapasara na ang mga ito at lahat na ng pagkakatay ay gagawin sa bagong slaughter house.

Ang bagong Class AA Slaughter House ng Sorsogon City sa Sitio Madan-an, Brgy. San Juan ang pinakamalaki at pinakamodernong katayan ng hayop ngayon sa buong rehiyon ng Bicol. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment