Tuesday, February 19, 2013

Participatory Governance Project ilulunsad ng IRDF



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 19 (PIA) – Ilulunsad ngayong araw ng Integrated Rural Development Foundation (IRDF) ang proyektong tinagurian nilang “Participatory Governance Project” na magsusulong sa “transparency and accountability in governance” ng mga lokal na pamahalaan sa Sorsogon.

Ang IRDF ay isa sa mga non-government organization sa buong bansa na katuwang ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) sa mga programa nitong nagbibigay kakayahan sa mga lokal na pamahalaan upang aktibo itong makapagbigay ng suporta sa prosesong kailangan sa pagpapatupad ng tinatawag na participatory governance.

Ayon kay IRDF Governance project Manager Libby Dometita, isa ang lalawigan ng Sorsogon sa mga mapalad na napili na maging benepisyaryo ng ganitong proyekto at isa sa mga istratehiya sa pagpapatupad nito ay ang aktibong pakikilahok ng mga Civil Society Organization sa proseso ng pamamahala at pagkamit ng pag-unlad.

Aniya, sa loob ng tatlong taon simula ngayong 2013 ay ipatutupad ng IRDFang Participatory Governance Project na pinondohan ng European Union.

Pinakalayunin nito ang maisulong ang participatory, transparent at accountable local governance upang mahikayat ang mga mahihirap na makilahok at makabenepisyo sa lahat na aspeto ng pag-unlad ng lalawigan ng Sorsogon at ng anim na lugar na target ng proyekto na kinabibilangan ng Sorsogon City, Casiguran, Pilar, Irosin, Bulan at Matnog.

Sinabi pa ni Dometita na ang tagumpay ng proyekto ay dedepende rin sa matatag na samahan sa pagitan ng mga civil society organization at ng mga lokal na pamahalaan kasama ng iba pang mga ahensya ng pamahalaan partikular ang Department of Interior and Local Government (DILG).

Kasama sa mga aktibidad na gagawin sa paglulunsad ngayon ang pagbabahagi ng karanasan ng DILG at ng IRDF sa pagtiyak na naipatutupad ang Participatory, Transparent at Accountable Governance at ang pagbuo ng Tripartite Memorandum of Understanding sa pagitan ng DILG, IRDF at ng mga target na LGU. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment