Friday, February 8, 2013

SPES registration naka-iskedyul na sa susunod na linggo



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Pebrero 8 – Magisismula nang tumanggap ang Public Employment Service Office ng  pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga aplikante para sa Special Program for the Employment of Student (SPES) o mas kilala sa tawag na Summer Job 2013.

Sinabi ni Prov’l PESO Manager Lorna Hayag, na sa Pebrero 12 at 13, 2013 nila itinakda ang petsa para sa rehistrasyon ng mga kwalipikadong estudyante, mula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon sa tanggapan ng PESO, 2nd floor, Capitol Building, Sorsogon City.

Sinabi ni Hayag na dapat high school graduate ang aplikante at edad 25 gulang pababa at naka-enroll ngayong school year.

Aniya, wala din dapat na anumang scholarship grant na natatanggap ang mag-aaral sa panahon ng pag-aplay nya sa SPES at nasa P36,000 pababa ang kita ng mga magulang nito.

Binigyang-diin rin ni Hayag na walang mga rekisitos na kailangang dalhin ang mga estudyanteng aplikante para sa gagawing rehistrasyon.

Sa Pebrero 20, 2013 naman nakatakdang ipaskel ang mga mapipiling kwalipikadong SPES registrant, habang sa Marso 8, 2013 naman sa Sorsogon provincial Gymnasium gagawin ang raffle draw para sa pagpili ng mga makukuhang SPES grantee.

Magsisimula ng kanilang summer job ang mga masu-swerteng mapipili sa Abril 1hanggang sa Abril 29, 2013.

Ang SPES ay bahagi ng programa ng pamahalaan upang matgulungan ang mga mahihirap subalit dedikadong mga estudyante na makahanap ng mapagkakakitaan ngayong summer at makapagtapos ng pag-aaral. (BARecebido, PIA Sorsogon/PESO)

No comments:

Post a Comment