Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 27 (PIA) – Nakablue
alert status simula pa noong Lunes ang tauhan ng mga Local Disaster Risk
Reduction and Management Council (LDDRMC) sa lalawigan kasama na ang Emergency
Response at Search and Rescue Services Team ng Sorsogon Provincial Disaster
Risk Reduction and Management Office (SPDRRMO) bilang paghahanda sa anumang mga
emerhensya ngayong Semana Santa.
Ito ay nangangahulugang naka-standby o
nakahanda mula Marso 25 hanggang Abril 1, 2013 ang iba’t-ibang mga Disaster
Operation Center sa buong lalawigan na tumanggap ng mga ulat at magbigay ng
kaukulang tulong partikular sa mga motorista at maging sa sinumang malagay sa
mapanganib na sitwasyon.
Ayon kay SPDRRMO Chief Raden Dimaano, unan
na nilang isinagawa ang pakikipagpulong sa mga kasapi ng Emergency Response at
Search and Rescue Services Team ng mga munisipalidad at lungsod upang mabigyan
ito ng mga paalala at kaukulang impormasyong sa pagpapatupad ng “Oplan Lakbay
Alalay” 2013.
Patuloy din umano ang kanilang pagsubaybay
at pagpapaabot ng impormasyon kaugnay ng lagay ng panahon ngayong linggo nang
sa gayon ay mabigyan din ng babala ang publiko at makapaghanda anuman ang
maging lagay nito.
Kasama din sa kanilang mga hakbang ang
pinaigting na pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng pamahalaan partikular sa mga
government utiityagency tulad ng Department of Public Works and Highways,
Sorsogon Electric Cooperative at Water District.
Handa na rin umano ang mga gamit at
rekursong pang-emerhensya sakaling may mangailangan nito tulad ng paramedics,
gamit sa pagsalba ng buhay at maging ng ari-arian man, mga heavy equipment at
generator, pati na rin ang mga radyong gagamitin para sa agarang komunikasyon.
Naglagay din umano sila ng mga tarpaulin sa
mga itinakdang Field Operation Center tulad ng Pepita Park sa Brgy.
Bucalbucalan, West District, Sorsogon City at sa Multi-purpose Brgy. Hall sa
San Pedro, Irosin, Sorsogon.
Umaasa naman si Dimaano na makikiisa ang
publiko sa kampanya ng mga awtoridad nag awing maayos at mapayapa ang
obserbasyon ng Semana Santa ngayong taon. Maari din umanong kontakin ang
numerong 211-2040; 2113591 para sa telepono at (0928) 9694043 at (0906) 5061929
sa mga gumagamit naman ng cellphone. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment