Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 26 (PIA) – Sa
pagpasok ng Semana Santa, higit pang pinahigpit ng mga awtoridad sa Sorsogon
ang seguridad upang mabigyang proteksyon at manatiling ligtas ang mga deboto at
mga bakasyunista sa lalawigan.
Sa koordinasyon sa Land Transportation
Office, Philippine National Police (PNP) at mga lokal na pamahalaan, muling
ilalagay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kanilang
motorist assistance team sa Dona Pepita Park sa Brgy. Bucalbucalan, Sorsogon
City sa unang distrito ng Sorsogon at sa San Pedro, Irosin, Sorsogon para naman
sa ikalawang distrito sa ilalim ng kanilang “Lakbay Alalay” program.
Ayon sa pamunan ng DPWH ito bilang
antisipasyon sa pagdagsa ng mga motorista kaugnay ng mahabang bakasyon dahilan
sa obserbasyon ng Semana Santa at mga Sorsoganong dadalo sa mga gagawing class
reunion.
Nakabantay din ang mga kasapi ng PNP na
nagsimula nang ipuwesto sa mga istratehikong lugar lalo na sa mga malalaking
simbahan sa lalawigan upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa panahon ng
pagtitika, Visita Iglesia at mga prusisyon.
Malinaw din ang paalala ng Phiippine Ports
Authority (PPA) sa mga pasahero sa pantalan na maging responsible din sa
personal na kaligtasan at bantayan ang kasamang mga bata at pinaalalahan ang
mga pasahero na hindi tourist spot ang mga pantalan lalo pa’t maraming mga
bahagi ng pantalan ang konsideradong hazard prone.
Sinimulan na din ng Bureau of Fire
Protection (BFP) ang kanilang Oplan Lakbay Alalay noong Lunes na magtatagal
hanggang sa Miyerkules habang alerto naman sila sa paggabay sa mga deboto sa
Huwebes at Biyernes Santo para sa gagawing prusisyon. Magtatalaga naman sila ng
mga tauhan sa mga beach resort sa ilalim ng kanilang “Oplan Baywatch”.
Samantala, nagbigay naman ng mga paalala sa
publiko ang mga awtoridad nang sa gayon ay maiwasan ang mga sigalot at
suliranin sa mga panahong may mga kaganapang tulad ng Semana Santa tulad
halimbawa ng pagiging alerto ng mga pasahero sa kanilang mga dala-dalang
bagahe, iwasan ang pagdadala ng mga mamahaling mga gamit o pagsusuot ng mga
mamahaling alahas sa mga pampublikong lugar at iba pa. (BARecebido, PIA
Sorsogon)
No comments:
Post a Comment