Ni: FB Tumalad
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 11 (PIA) –
Matapos makipag-ugnayan sa tanggapan ng PIA at maipaliwanag sa mga media ng
Sorsogon noong Pebrero 19, 2013 ang Local Absentee Voting (LAV) at ilan pang
mahahalagang impormasyon kaugnay ng darating na halalan sa Mayo 2013, muling
nakipag-ugnayan sa PIA Sorsogon si Provincial Election Supervisor Atty. Calixto
Aquino Jr. upang matulungan ang Comelec Sorsogon para sa aplikasyon naman ng akreditasyon
ng mga lokal na mamamahayag.
Ayon kay Atty. Aquino, ang Local Media
Accreditation (LMA) ay iniisyu para lamang sa mga lokal na mamahayag na aktibo
sa serbisyo. Sa pamamagitan umano ng akreditasyong ito ay bibigyan sila ng Identification
Card (ID) na pirmado ng komisyon nang sa gayon ay madali silang matukoy kung
sila nga ay lehitimong media na nagsasagawa ng coverage sa panahon ng
eleksyon.
Kinakailangan lamang umanong isulat sa LMA
Form ang buong detalye ng pagkatao ng media na nais magpa-akredit, pati na ang
pangalan ng pinagsisilbihang istasyon at kung saan ito madedestino sa araw ng eleksyon.
Bawat kasapi ng media na mag-aaplay ng
media accreditation ay magsumite ng tatlong piraso ng porma na lalakipan ng 2x2
ID picture.
Maaaring makakuha ng local media accreditation
form sa tanggapan ng Comelec o sa PIA Sorsogon.
Kinakailangan umanong maisumite ang
naturang aplikasyon sa tanggapan ng Comelec simula ngayon at hindi lalagpas ng
Abril 15, 2013.
Kalakip sa aplikasyon ang indorsement
letter ng kanilang pinagtatrabahuang istasyon ng radyo, telebisyon, pahayagan o
ahensya ng balitaan sa internet. (FB Tumalad, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment