LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 12 (PIA) – Sa
pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababihan ngayong Marso, patuloy pang pinaiigting
ng Pamahalaang Lokal ng Sorsogon sa pamamagitan ng Provincial Gender and
Development Council (PGADC) at ng Department of Trade and Industry (DTI) ang
pagbibigay kakayahan sa mga kababaihang Sorsoganon.
Kaugnay nito, muling ipapakita ang angking
husay ng mga ito sa larangan ng pagbebenta at kumpetisyon ng mga natatanging
kasanayan sa gagawing “Barakalan sa Kapitolyo” at “Patiribayan sa Bulan nin
Kababayihan” sa darating na Marso 14 hanggang Marso 16, 2013 sa Kasanggayahan
Village, Capitol Compound sa lungsod ng Sorsogon.
Ang DTI ang siyang mangunguna sa nasabing mga
aktibidad.
Ayon kay DTI Sorsogon GAD focal person
Glenda Goingo, layunin din ng aktibidad na maipakita at maisulong ang mga gawang
produkto ng mga babaing Sorsoganon na nagsisimula pa lamang magnegosyo partikular
yaong mga nasa mahihirap na sektor.
Aniya, sa unang araw ay gaganapin ang mga
kumpetisyon ng kasanayan tulad ng “pagsalad nin bay-ong” (bayong weaving) at “pagtilad
nin pili” (pili nut cracking).
Sa loob aniya ng tatlong araw ay makikita sa
mga itatayong bahay kubo malapit sa may gusali ng Provincial Tourism Office ang
mga makakalikasang mga likhang produkto, mga pagkain at produktong agrikultural
ng Sorsogon.
Dagdag pa ni Goingo na dahilan sa ang
pangunahing layunin ng aktibidad ay ang himukin ang mga kababaihang Sorsoganon
na pasukin ang pagnenegosyo at maipakita ang angking kasanayan nito sa
pagsusulong ng kultura at tradisyon ng lalawigan ay inimbitahan ang lahat na
mga munisipalidad at lungsod na magpadala ng mga lalahok. Wala din umanong bayad
na kokolektahin mula sa mga lalahok.
Hanggang ngayong araw na lamang ang
itinakda ng DTI para sa pagsusumiti ng mga entry form. (BARecebido, PIA
Sorsogon)
No comments:
Post a Comment