Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 13 (PIA) – Sa
kabila ng magandang record ng Sorsogon kaugnay ng kampanya sa rabis, patuloy pa
rin ang lokal na pamahalaan ng Sorsogon sa pamamagitan ng Provincial Veterinary
Office (PVO) sa pagpapaigting pa ng kanilang kampanya laban sa rabis.
Ayon kay Provincial Veterinarian Dr.
Enrique Espiritu, sa pakikipagkawing sa Global Alliance for Rabies Control
(GARC), target nilang maging rabies-free ang lalawigan ng Sorsogon kung kaya’t
higit pa nilang pinaigting ang kanilang kampanya kung saan hiningi din nila ang
tulong ng Sangguniang Kabataan sa buong Sorsogon upang maging mga volunteer
vaccinator.
Ayon kay Dr. Espiritu, sa ginawa nilang
inisyal na pagbabakuna nitong mga nakaraang buwan, nakita nilang epektibo ang
naging pagtutulungan ng mga tauhan ng PVO at ng mga kabataan lalo pa’t sa loob
lamang ng halos ay tatlong linggo ay umabot na sa 4,000 ang bilang ng mga
nabakunahang aso.
Dagd pa niya na sa pamamagitan ng
Communities Against Rabies Exposure (CARE) Project ng GARC, mababawasan ang
pagdami pa ng populasyon ng mga aso at maiiwasan ang posibilidad ng paglaganap
pa ng rabis sa tao man o sa aso. Mababawasan din umano ang suliranin sa kalusugan
ng publiko na may kaugnayan sa kagat ng aso.
Sa kasalukuyan ay mayroong mahigit sa
52,000 populasyon ng aso sa buong lalawigan ng Sorsogon at target nilang
mabakunahan ang 70 porsyento nito.
Kasama din umano sa programa ang pagbibigay
ng tamang edukasyon sa publiko upang maiwasang malantad sa mga asong may rabis.
Nanawagan ang beterinaryo sa publiko na
suportahan ang kampanya laban sa rabis at sa mga pet owners na maging responsable
nang sa gayon ay maiwasan ang mas malala pang suliranin dala ng rabis.
(BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment