Si Atty. Calixto Aquino (kaliwa sa itaas) at ang mga media sa Sorsogon |
Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 6 (PIA) – Sa
pangunguna ng Philippine Information Agency (PIA) Sorsogon, pinulong kahapon ni
Commission on Election (Comelec) Provincial Election Supervisor Atty. Calixto
Aquino ang mga kasapi ng media partikular ang mga radio at TV station manager
at ang mga publisher at editor ng lokal na pahayagan sa Sorsogon upang
mabigyang-linaw ang ilang mahahalagang probisyon kaugnay ng darating na halalan
sa Mayo.
Tampok sa naging pagtalakay ang Local
Absentee Voting (LAV) at ilang mga isyu tulad ng pagsasa-himpapawid at pagsasa-dyaryo
ng mga political ad. Ipinaliwanag din ni Atty. Aquino kung papanong mag-aplay
ang mga media para sa Local Absentee Voting alinsunod sa nakasaad sa COMELEC
Resolution No 9637.
Nilinaw ni Atty. Aquino na sa LAV, maaari
lamang bomoto sa mga senador at party-list representative ang botante at hindi
sa mga lokal na kandidato sapagkat walang Precinct Count Optical Scan (PCOS)
machine na gagamitin bagkus ay espesyal na balotang maglalaman lamang ng mga national
candidate. Lahat ng mga balota ay selyadong ipapadala sa Maynila. Ang botohan
ay gagawin sa Abril 28, 29 at 30, 2013. Subalit yaong hindi makakaboto sa mga
itinakdang araw ay maaari pa ring makaboto sa araw ng halalan.
Halos lahat ng mga dumalo ay naghayag ng
kawalan ng interes na mag-aplay sa LAV lalo pa’t ayon sa mga ito ay hindi naman
hadlang sa kanilang pagboto ang mga area
of assignment na ibinibigay sa kanila sapagkat malalapit lang naman ito sa
lugar kung saan sila bumoboto.
Samantala, binigyang-linaw naman ni Atty.
Aquino ang ilang mga katanungan ng media kaugnay ng pagsasahimpapawid ng mga
political ad alinsunod sa isinasaad sa Republic Act 9006 o ang “Fair Elections
Act” kaugnay ng halalan sa Mayo 13, 2013.
Partikular na tinalakay nito ang Sec 6, 7
at 9 ng RA 9006 kung saan nakasaad ang mga probisyon sa Lawful Election
Propaganda, ipinagbabawal na uri ng election propaganda, rekisitos at
limitasyon sa paggamit ng election propaganda sa pamamagitan ng mass media, at
iba pang mga impormasyong kaugnay nito.
Sa pagtatapos ng forum ay umapela sa media
at maging sa publiko si Atty. Aquino na tulungan ang Comelec upang epektibong
maipatupad ang mga probisyong nakasaad sa resolusyon ng Comelec at sa RA 9006,
at upang mapayapang maidaos ang halalan sa 2013. Dapat din umanong isumbong sa
kanilang tanggapan ang anumang makikitang paglabag ng mga kandidato at mga
suportador nito. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment