Wednesday, March 6, 2013

PIA at Comelec pinulong ang tri-media sa Sorsogon



Si Atty. Calixto Aquino (kaliwa sa itaas) at ang mga media sa Sorsogon

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 6 (PIA) – Sa pangunguna ng Philippine Information Agency (PIA) Sorsogon, pinulong kahapon ni Commission on Election (Comelec) Provincial Election Supervisor Atty. Calixto Aquino ang mga kasapi ng media partikular ang mga radio at TV station manager at ang mga publisher at editor ng lokal na pahayagan sa Sorsogon upang mabigyang-linaw ang ilang mahahalagang probisyon kaugnay ng darating na halalan sa Mayo.

Tampok sa naging pagtalakay ang Local Absentee Voting (LAV) at ilang mga isyu tulad ng pagsasa-himpapawid at pagsasa-dyaryo ng mga political ad. Ipinaliwanag din ni Atty. Aquino kung papanong mag-aplay ang mga media para sa Local Absentee Voting alinsunod sa nakasaad sa COMELEC Resolution No 9637.

Nilinaw ni Atty. Aquino na sa LAV, maaari lamang bomoto sa mga senador at party-list representative ang botante at hindi sa mga lokal na kandidato sapagkat walang Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine na gagamitin bagkus ay espesyal na balotang maglalaman lamang ng mga national candidate. Lahat ng mga balota ay selyadong ipapadala sa Maynila. Ang botohan ay gagawin sa Abril 28, 29 at 30, 2013. Subalit yaong hindi makakaboto sa mga itinakdang araw ay maaari pa ring makaboto sa araw ng halalan.

Halos lahat ng mga dumalo ay naghayag ng kawalan ng interes na mag-aplay sa LAV lalo pa’t ayon sa mga ito ay hindi naman hadlang sa kanilang pagboto ang mga area of assignment na ibinibigay sa kanila sapagkat malalapit lang naman ito sa lugar kung saan sila bumoboto.

Samantala, binigyang-linaw naman ni Atty. Aquino ang ilang mga katanungan ng media kaugnay ng pagsasahimpapawid ng mga political ad alinsunod sa isinasaad sa Republic Act 9006 o ang “Fair Elections Act” kaugnay ng halalan sa Mayo 13, 2013.

Partikular na tinalakay nito ang Sec 6, 7 at 9 ng RA 9006 kung saan nakasaad ang mga probisyon sa Lawful Election Propaganda, ipinagbabawal na uri ng election propaganda, rekisitos at limitasyon sa paggamit ng election propaganda sa pamamagitan ng mass media, at iba pang mga impormasyong kaugnay nito.

Sa pagtatapos ng forum ay umapela sa media at maging sa publiko si Atty. Aquino na tulungan ang Comelec upang epektibong maipatupad ang mga probisyong nakasaad sa resolusyon ng Comelec at sa RA 9006, at upang mapayapang maidaos ang halalan sa 2013. Dapat din umanong isumbong sa kanilang tanggapan ang anumang makikitang paglabag ng mga kandidato at mga suportador nito. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: