Tuesday, March 5, 2013

Pinakamalaki at pinakamodernong Class AA slaughter house ng Sorsogon City pinasinayaan na


Ang bagong Class AA Slaughter House ng Sorsogon City.
Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Marso 5 (PIA) – Pormal na ring sinimulan ang operasyon ng bagong tayong Class AA Slaughter House ng Sorsogon City matapos pasinayaan at basbasan ito noong Sabado, Marso 2, 2013.

Ang Sorsogon City Class AA Slaughter House na matatagpuan sa Sitio Madan-an, Bibincahan, Sorsogon City ang itinuturing na pinakamalaki at pinakamodernong Class AA na katayan ng mga hayop sa buong rehiyon ng Bikol sa kasalukuyan, ayon kay National Meat Inspection Service (NMIS) Bicol chief of staff Dr. Dario Canillas.

Kaugnay nito, hinimok niya ang mga opisyal ng lungsod at ang mga naroroon sa pasinaya na magtulungan upang mapanatiling maayos at operational ang pasilidad sa susunod pang 15 hanggang 20 taon.

Sa naging talumpati naman ni City Administrator Retired General Ireneo Manaois, sinabi nitong halos ay dalawang taon din ang ginugol upang makumpleto ang mga dokumentong kailangan sa pagpapatayo ng ganitong ‘state of the art’ na katayan ng mga hayop.

Ito ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga mahahalagang ideya ng mga opisyal ng pamahalaang lungsod at paghingi ng teknikal na tulong mula sa NMIS at pinondohan sa pamamagitan ng pag-uutang sa Land Bank of the Philippines (LBP).

Aniya, ipinagmamalaki ng pamahalaang lungsod ang pagkakaroon ng Class AA slaughter house sapagkat nakatitiyak na ngayon hindi lamang ang mga Sorsoganon kundi maging ang mga malalapit na lugar dito ng malinis at ligtas kaining mga karne.

May walong CCTV camera din na nakakabit sa iba’-ibang mga bahagi ng lugar upang mas maging madali ang pagsubaybay sa mga aktibidad sa loob nito.

May tatlong uri ang Slaughter House ayon sa NMIS, ang Class Triple-A (AAA), Class Double-A (AA), at Class A.

Ang Class Triple-A o top grade abattoir ay mayroong maaayos at de-kalidad na uri ng pasilidad at pamamaraan ng operasyon. Ang mga hayop na kinakatay dito ay maaaring ibenta sa mga pamilihan sa loob at labas ng bansa.

Ang Class AA ay mayroon ding kaukulang pasilidad at maaayos na pamamaraan ng operasyon kung kaya’t ang mga karneng nagmumula dito ay maaaring ibenta sa lahat ng mga pamilihan sa bansa.

Habang minimal naman ang mga pasilidad na makikita sa Class A slaughter house kung kayat pinapayagan lamang ibenta ang mga karneng nagmumula dito sa mga pamilihan sa loob lamang ng munisipalidad kung saan naroroon ang katayan. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: