LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 8 (PIA) –
Kaugnay ng mga reklamong nakakarating sa tanggapan ng Department of Social
Welfare and Development (DSWD) higit na pina-igting ng DSWD ang kanilang
Information, Education and Communication (IEC) campaign nang sa gayon ay
maiwasan ang maling haka-haka at pagkalito ng mga benepisyaryo ng mga
programang ipinatutupad ng pamahalaan partikular ang “Pantawid Pamilyang
Pilipino Program” (4Ps).
Isa sa mga aktibidad na nakatakdang gawin
ng DSWD ay ang paglulunsad ng “Bawal ang Epal Dito” Campaign sa lalawigan ng
Sorsogon sa darating na Huwebes, Abril 11, 2013, mula alas dyes ng umaga
hanggang alas-dose ng tanghali na gaganapin sa Paradise Resort, Pangpang, Sorsogon
City.
Matapos ang gagawing pagbibigay ng mensahe
ng mga tagapagsalita, isang open forum at covenant signing din ang nakatakdang
gawin sa pagitan ng media, mga parent leader, partner agency at DSWD.
Ayon kay DSWD Regional Director Arnel B.
Garcia, ang kampanyang ito ay naglalayong maalis ang mga “epal” sa pagpapatupad
ng mga programa ng pamahalaan lalo na ang 4Ps at mabigyan ng sapat na kaalaman
ang mga benepisyaryo nito na walang sinumang pulitiko maaaring magtanggal sa
kanila sa listahan.
Tanging ang DSWD Regional at National
Office lamang umano ang may kapangyarihan at awtorisadong magtanggal ng
benepisyaryo sa listahan, subalit magagawa lamang ito kung hindi nasunod ng
benepisyaryo ang mga kondisyong itinakda ng programa.
Una nang namahagi ng mga “anti-epal” flyers
at mga babasahin ang DSWD sa Sorsogon at nagbukas din ito ng isang programa sa
Radyo Natin Sorsogon na isinasahimpapawid alas onse hanggang alas dose ng
tanghali tuwing Biyernes na naririnig din sa mga lalawigan ng Masbate,
Camarines Sur at Camarines Norte.
Samantala, hinihikayat naman ng pamunuan ng
DSWD ang sinuman na magsumbong sa kanilang tanggapan sakaling mayroong mga
nananakot, nagdidikta, nagbibigay ng maling impormasyon o mga EPAL (mapapel) na
nagsasabing tatanggalin sa listahan ng 4Ps ang isang benepisyaryo kung hindi
ito at ang pamilya nito susuporta o boboto sa isang pulitiko.
Maari umanong itawag ang mga sumbong sa
numerong (052) 480-5754 o sa 480-5347 o magsadya sa tanggapan ng 4Ps o ng DSWD.
(BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment