Wednesday, April 3, 2013

Gubat, Sorsogon kinagigiliwan nang pasyalan ng mga local surfers


(byaherosnapshots.com)

Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 3 (PIA) – Kung sikat ang surfing sa bansang Hawaii at nilalaro ng mga puti noong dekada nubenta hanggang sa kasalukuyan, sa bayan naman ng Gubat, Sorsogon ay mayroon na ring lugar kung saan sinisimulan nang dayuhin ng mga lokal o dayo mang turista na nawiwiling maglaro ng nasabing hobby.

Ayon sa isang residente ng Buenavista, Gubat na tumanggi nang magpakilala, nadiskubre ng mga lokal na dayo ang kakaibang kasiyahang hatid ng surfing sa malalaking alon ng Buenavista, Gubat kung kaya’t nagpasiya silang bumuo ng isang grupo ng apat na kalalakihan upang magsanay at magpakitang-gilas na rin sa mga dumadayo doon hanggang sa dumami na rin ang nawiling mag-surf at ngayon ay isa nang dagdag atraksyon sa bahagi ng Gubat, Sorsogon tuwing summer.

Aminado naman si Provincial Tourism Officer Cris Racelis, na hindi na rin talaga mapipigilan ang pagbubukas ng panibagong atraksyon sa mga turista sa Gubat lalo pa’t ilang mga surfing competition na rin ang isinagawa sa karagatan ng Buenavista.

Nitong nakaraang taon ay nagsagawa na rin ng surfing clinique sa Gubat upang higit pang maintindihan ng mga local surfing enthusiast ang larong ito. Subalit sinabi din ni Racelis na ang dagat sa Gubat ay pang-baguhan o amateur surfers, habang iminumungkahi naman nila sa mga professional surfers na dayuhin ang Bulusan dahilan sa mas malalaking alon ng dagat doon.

Mainam umanong maglaro ng surfing sa Buenavista, Gubat mula Setyembre hanggang Mayo.

Samantala, maliban pa sa surfing at skim boarding na nauuso na rin sa Gubat, tiyak na kagigiliwan din umano ng mga dadayong turista ang Rizal Beach sa nasabing bayan. Binigyan na rin nila umano ng ideya si Gubat Mayor Lim kung papaanong mama-maximize ang paggamit ng limang kilometrong baybayin ng Dancalan patungong Rizal sa pamamagitan ng paggawa ng steady sandcastle completion bilang pampamilyang aktibidad.

Kung nais pa umano ng mga dadayong turista ng iba pang atraksyon, mainam ding bisitahin ang Tikling Island at Juag Lagoon Fish Sanctuary sa Matnog, at ang Heritage Homes sa Sablayan Island sa Juban, dagdag pa dito ang Spanish Ruins sa Barcelona na kabilang sa prayoridad na proyektong pang-imprastruktura ng Sorsogon Provincial Tourism Office kung saan P5-milyon ang pondong inilaan dito. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment