LUNGSOD NG SORSOGON, April 2 (PIA) – Ilulunsad
ng Kurit Lagting, isang grupo ng mga Sorsoganong may angking galing sa larangan
ng sining, ang proyektong tinagurian nilang “KURITon Series: A Community Arts
Project” sa darating na Abril 6 hanggang 7, 2013 sa main campus ng Sorsogon
State College, lungsod ng Sorsogon.
Ayon kay Geri Matthew Carretero,
Officer-In-Charge ng Kurit Lagting, ang proyektong ito ay isang alternatibong
art education program na maglilibot sa iba’t-ibang mga barangay at paaralan sa
lalawigan ng Sorsogon at sa iba pang bahagi ng rehiyon ng Bicol upang magturo,
makahanap ng talent, at palawakin pa ang kakayahan ng mga kasapi ng komunidad
sa larangan ng sining sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga workshop sa potograpiya,
pag-guhit, teatro, paglilok, film making at story-telling.
Maliban sa gagawing paglulunsad, tampok din
ang “Kurit kan Saradit” sa ilalim ng KURITon series kung saan magsasagawa ng
isang buwang community work mula ika-9 ng Abril hanggang ika-3 ng Mayo, 2013.
Ayon pa kay Carretero, magsasagawa sila ng
mga paglilibot sa mga piling barangay kung saan tinukoy nila bilang pilot
barangay ang Sampaloc, Piot, Talisay at Bitan-o upang hikayatin ang mga bata na
pumasok sa mga paaralan, tulungan ang mga magulang na mauunawaan na kailangang
protektahan ang mga bata at pukawin ang kamalayan sa pagtukoy sa mga suliranin
at responsibilidad ng mga kabataan at ang kanilang kakayahan bilang mga
produktibong kasapi ng kanilang pamilya at komunidad.
Naging inspirasyon nila umano sa proyektong
ito ang “Kariton Classroom” ni Efren Penaflorida.
Ito ay nabuo sa pakikipagkawing sa
Childfund Philippines kasama ng Federation of Associations for Communities and
Children’s Empowerment (FACE), Inc. at ng Casa Miani Foundaton, Inc., mga
organisasyong tumutulong na maisulong ang karapatan ng mga bata at kabataan
upang matulungan din ang iba pang mga pamilya sa hinaharap. (BARecebido, PIA
Sorsogon)
No comments:
Post a Comment