Monday, April 15, 2013

Comelec hinikayat ang mga Sorsoganon na isumbong ang mga paglabag ng kandidato at mga suportador nito



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 16 (PIA) – Seryoso ang Comelec na ipatupad ang mga patakarang nakasaad sa Republic Act 9006 o Fair Election Act kaugnay ng gagawing halalan sa Mayo 13, 2013.

Ito ang naging pahayag ni Provincial Election Supervisor Calixto Aquino sa ginawang paglulunsad ng “Bawal ang Epal Dito” campaign ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Huwebes sa Sorsogon.

Aniya, hinintay lamang nilang matapos ang ginagawa nilang pagsasanay ng mga Board of Election Inspector at Canvasser, at tututukan na nila ang iba’t-ibang mga unlawful election offense na ginagawa ng mga kandidato at suportador nito.

Subalit aminado si Atty. Aquino na kakaunti lamang ang mga tauhan ng Comelec kung saan pinakamataas na dito ang dalawa, kung kaya’t nanawagan ito sa mga mamamayan ng Sorsogon, government organizations, civil society groups at iba pang mga concerned sector na kung maaari ay matulungan sila sa pagsubaybay at sa pagpapatupad ng mga alituntuning dapat sundin kaugnay ng kampanya at halalan para sa mga lokal na kandidato.

Hinikayat niya ang mga ito na isadokumento ang mga paglabag tulad ng pagkuha ng mga litrato at video, gumawa ng affidavit at isumbong ito sa tanggapan ng Comelec.

Nakipag-ugnayan na rin sila umano sa local Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) para sa mapayapa at malinis na halalan 2013.

Dagdag pa niya na nasa proseso na rin ang pagbuo ng isang Task Force na tututok sa mga unlawful election material at muli ding bubuhayin ang “Operation Baklas”, kung saan alinsunod sa Comelec Resolution ay pangungunahan ito ng Election Officer at vice chairman ang hepe ng pulisya.

Balak din umano nilang hingin ang tulong ng Bureau of Fire Protection (BFP) sapagkat mayroon itong mga kaukulang gamit at behikulo na makakatulong sa pagpapatupad nila ng kanilang operasyon, at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na talagang determinadong ipatupad ang batas laban sa mga gawaing makakasira sa mga puno at sa kapaligiran tulad ng pagpapako ng mga campaign paraphernalia sa kahoy.

Samantala, kaugnay ng mga election propaganda tulad ng mga ipinapadalang poison letter ng mga kandidato o suportador nito lalo sa mga istasyon ng radyo, nilinaw ni Atty Aquino na hindi ito dapat patulan sapagkat unang-una nang suliranin dito ay ang pagtukoy kung talagang saan o kung sino ang pinagmulan nito na takot ding lumantad. Kahit pa umano gumamit ng pangalan ng grupo o organisasyon ay dapat na matukoy kung sino ang mga juridical person sa likod nito.

Kaugnay naman sa paggamit ng powerpoint at video presentation sa mga campaign sorties, hindi umano ito ipinagbabawal. Lalabag lamang ito sa batas kung kasinungalingan at makasisira sa reputasyon ng kandidato o isang tao ang ipapalabas. Election propaganda man umano ito ay dapat na pawang katotohanan lamang ang ipapakita o ilalabas sa mga presentasyon dahil kung hindi ay maari silang kasuhan ng libel o iba pang batas na sasaklaw dito. Maging ang mga video scandal ay saklaw din ng hiwalay na batas tulad ng Anti-vouyerism Law. Maaari umanong ang aksyon o paglabag ay hindi saklaw ng batas sa eleksyon subalit may iba pang mga batas na maaring sumaklaw dito.

Kung kaya’t pinag-iingat din niya ang mga kandidato at suportador nito sapagkat maliban sa batas na sumasaklaw sa paglabag ng mga probisyon sa eleksyon ay mayroong iba pang batas na maaaring malabag ng mga ito sakaling maging pabaya at hindi mag-iingat ang mga ito.

Tiniyak din ng Comelec na hindi sila mag-aatubiling sampahan ng kaso ang sinumang irereklamong mga kandidato at suportador nito dahilan sa paglabag sa batas ng eleksyon. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment