Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, April 16 (PIA) – Seryoso
ang Comelec na ipatupad ang mga patakarang nakasaad sa Republic Act 9006 o Fair
Election Act kaugnay ng gagawing halalan sa Mayo 13, 2013.
Ito ang naging pahayag ni Provincial
Election Supervisor Calixto Aquino sa ginawang paglulunsad ng “Bawal ang Epal
Dito” campaign ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong
Huwebes sa Sorsogon.
Aniya, hinintay lamang nilang matapos ang
ginagawa nilang pagsasanay ng mga Board of Election Inspector at Canvasser, at
tututukan na nila ang iba’t-ibang mga unlawful election offense na ginagawa ng
mga kandidato at suportador nito.
Subalit aminado si Atty. Aquino na kakaunti
lamang ang mga tauhan ng Comelec kung saan pinakamataas na dito ang dalawa,
kung kaya’t nanawagan ito sa mga mamamayan ng Sorsogon, government
organizations, civil society groups at iba pang mga concerned sector na kung
maaari ay matulungan sila sa pagsubaybay at sa pagpapatupad ng mga alituntuning
dapat sundin kaugnay ng kampanya at halalan para sa mga lokal na kandidato.
Hinikayat niya ang mga ito na isadokumento
ang mga paglabag tulad ng pagkuha ng mga litrato at video, gumawa ng affidavit
at isumbong ito sa tanggapan ng Comelec.
Nakipag-ugnayan na rin sila umano sa local
Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) para sa mapayapa at
malinis na halalan 2013.
Dagdag pa niya na nasa proseso na rin ang
pagbuo ng isang Task Force na tututok sa mga unlawful election material at muli
ding bubuhayin ang “Operation Baklas”, kung saan alinsunod sa Comelec
Resolution ay pangungunahan ito ng Election Officer at vice chairman ang hepe
ng pulisya.
Balak din umano nilang hingin ang tulong ng
Bureau of Fire Protection (BFP) sapagkat mayroon itong mga kaukulang gamit at
behikulo na makakatulong sa pagpapatupad nila ng kanilang operasyon, at ang
Department of Environment and Natural Resources (DENR) na talagang
determinadong ipatupad ang batas laban sa mga gawaing makakasira sa mga puno at
sa kapaligiran tulad ng pagpapako ng mga campaign paraphernalia sa kahoy.
Samantala, kaugnay ng mga election
propaganda tulad ng mga ipinapadalang poison letter ng mga kandidato o
suportador nito lalo sa mga istasyon ng radyo, nilinaw ni Atty Aquino na hindi
ito dapat patulan sapagkat unang-una nang suliranin dito ay ang pagtukoy kung
talagang saan o kung sino ang pinagmulan nito na takot ding lumantad. Kahit pa
umano gumamit ng pangalan ng grupo o organisasyon ay dapat na matukoy kung sino
ang mga juridical person sa likod nito.
Kaugnay naman sa paggamit ng powerpoint at
video presentation sa mga campaign sorties, hindi umano ito ipinagbabawal.
Lalabag lamang ito sa batas kung kasinungalingan at makasisira sa reputasyon ng
kandidato o isang tao ang ipapalabas. Election propaganda man umano ito ay
dapat na pawang katotohanan lamang ang ipapakita o ilalabas sa mga presentasyon
dahil kung hindi ay maari silang kasuhan ng libel o iba pang batas na sasaklaw
dito. Maging ang mga video scandal ay saklaw din ng hiwalay na batas tulad ng
Anti-vouyerism Law. Maaari umanong ang aksyon o paglabag ay hindi saklaw ng
batas sa eleksyon subalit may iba pang mga batas na maaring sumaklaw dito.
Kung kaya’t pinag-iingat din niya ang mga
kandidato at suportador nito sapagkat maliban sa batas na sumasaklaw sa
paglabag ng mga probisyon sa eleksyon ay mayroong iba pang batas na maaaring
malabag ng mga ito sakaling maging pabaya at hindi mag-iingat ang mga ito.
Tiniyak din ng Comelec na hindi sila
mag-aatubiling sampahan ng kaso ang sinumang irereklamong mga kandidato at
suportador nito dahilan sa paglabag sa batas ng eleksyon. (BARecebido, PIA
Sorsogon)
No comments:
Post a Comment