Friday, April 19, 2013

Mga isyu ukol sa “Batas Kasambahay” IRR inilahad sa isinagawang konsultasyon sa Sorsogon



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 18 (PIA) – Aktibo ang naging diskusyon sa isinagawang consultation workshop ukol sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng “Batas Kasambahay” o ang RA 10361 noong Martes, April 16, sa Mango Grill, Sorsogon City.

Dinaluhan ng mga kinatawan ng national government line agency tulad ng Philhealth, Social Security System, Phil. Information Agency, DepEd, Phil. National Police; mga opisyal ng Public Employment Service System at Liga ng Barangay sa Pilipinas-Sorsogon Chapter; kinatawan ng tri-media; at iba pang mga stakeholder, ilang mga isyu din ang napag-usapan at ilan naman ang naghayag ng mga saloobin ukol sa kanilang hindi pagpabor sa nasabing batas.

Partikular na hindi pumapabor ang ilang kinatawan ng media at mga naroroong employer na karamihan ay nasa middle class lamang. Anila ay mas magiging magastos sa kanila sakaling tuluyan nang maipatupad ang “Batas Kasambahay”, maliban pa sa hindi rin umano masyadong napag-uusapan sa batas ang magiging proteksyon din ng mga employer.

Pahayag pa nila na hindi nila tinututulan ang paggawa ng mga batas subalit sana naman daw ay hindi ito mangangahulugan ng malaking gastos sa bahagi ng mga ordinaryong mamamayang magpapasweldo ng mga kasambahay bago pa man ito pumasok ng panunungkulan sa kanila.

Ilan din sa mga napag-usapang isyu ay ang hindi magkatugmang patakarang nakasaad sa Rule IV section 16 ng Batas Kasambahay at sa RA 8282 ng SSS ukol sa araw kung kailan dapat na mabigyan ng kaukulang benepisyo ang mga kasambahay. Nakasaad sa RA 8282 na ipinatutupad ng SSS na dapat na mai-enrol ang kasapi sa kanila sa unang araw na nagtrabaho ang kasambahay habang sa RA 10361 naman ay dapat na di bababa sa isang buwan.

Dagdag pa nila, na kung kasangkot na ang punong barangay sa paggawa pa lamang ng kontrata sa pagitan ng kasambahay at paglilingkuran nito, dapat ding isali ang punong barangay sakaling magkaroon ng suliranin ang kasambahay at amo nito. Nagbigay suhestyon din ang grupo ng mga media na sana’y maglagay din ng Barangay Help at Monitoring Desk.

At upang maproteksyunan din umano ang mga employer sa mga nang-aabusong kasambahay partikular sa pinansyal na aspeto, dapat na maglagay din ng ‘ceiling’ para sa mga cash advance na kalimitang nangyayari sa pagitan ng amo at kasambahay.

Wala din daw umanong nakasaad na probationary period sa kontrata o di kaya’y malinaw na patakaran sakaling hindi magustuhan ang serbisyo o may magawang mabigat na kasalanan ang kasambahay sa mga unang araw pa lamang ng paninilbihan nito.

Ang “Batas Kasambahay” ay nilagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III noong January 18, 2013. Alinsunod sa isinasaad sa Rule XIII ng iminumungkahing IRR, magiging “Araw ng mga Kasambahay” ang ika-18 ng Enero taon-taon.

Inaasahang sa Araw ng Paggawa o “Labor Day” sa Mayo 1, 2013 ay tuluyan nang maipatutupad ang nasabing batas na magsisilbing proteksyon ng mga kasambahay laban sa mga pang-aabuso ng mga pinaglilingkuran nito. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments: