Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, April 11 (PIA) – Kasabay
ng isasagawang panlalawigang paglulunsad ng kampanyang “Bawal ang Epal Dito” ng
Department of Social Welfare and Development (DSWD) bukas sa lungsod ng
Sorsogon, isang convergence caravan din ang gaganapin sa bayan ng Pto Diaz sa
pangunguna naman ng Pantawid Pamilya Program (4Ps), Kapit-Bisig
Laban sa Kahirapan – Comprehensive Integrated Delivery of Social Service (Kalahi-CIDDS)
at Self-Employment Assistance – Kaunlaran (SEA-K) ng DSWD.
Ayon kay Janette Bellen, in-charge ng
Kalahi-CIDDS program ng DSWD sa Pto. Diaz, tinaguriang “Pagkakapit-bisig ng ‘Tatsulo’
Laban sa Kahirapan” Convergence Caravan layunin nilang maipakilala ang programang
“Tatsulo” ng DSWD o ang 4Ps, Kalahi-CIDDS at SEA-K ng Pto. Diaz.
Aniya, ang nasabing caravan ay isang paraan
ng pagpapaintindi ng kanilang adbokasiya at Information, Education, and
Communication (IEC) campaign na rin sa publiko.
Nais din nila umanong maipakita ang iba’t-ibang
abilidad ng mga benepisyaryo ng tatsulo sa pamamagitan ng slogan at mga larawang
gawa at kuha ng mga ito na ipaparada sa isang motorcade.
Ginawa din nila umanong patimpalak ito nang
sa gayon ay mabigyan pa ng mas malaking inspirasyon ang mga benepisyaryo na lumahok.
Maliban sa gagawing banal na misa,
motorcade at pambungad na programa, ilalahad din ang mga tampok na nagawa na ng
programang “Tatsulo”.
Naglagay din ng mga munting kubol o booth
ang 23 barangay ng Pto. Diaz upang ipakita ang kanilang mga aning produktong agrikultural.
May mga espesyal ding presentasyon at
parlor games kung saan makatatanggap ng mga premyo ang mananalo: Champion, 1st,
2nd, at 3rd para sa Best Slogan, Best Booth, at Best
Presentation. Pipili din ng Best performing Community Volunteers. (BARecebido,
PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment