Wednesday, April 10, 2013

PNP magsasagawa ng Security Sector and Civil Society Forum



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 10 (PIA) – Isang dayalogo sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at ng mga lider at kinatawan ng Civil Society Organization at non-partisan group ang nakatakdang pangunahan ng Sorsogon Police Provincial Office bukas, Abril 11, sa Villa Isabel, lungsod ng Sorsogon.

Sa ipinadalang impormasyon sa tanggapan ng PIA Sorsogon, layunin ng aktibidad na tinagurian nilang “Security Sector and Civil Society Forum” na mapaigting at masustinihan ang pagpapatupad ng mga batas pangseguridad at operasyong magsusulong ng kaligtasan ng publiko.

Sa pamamagitan din ng forum ay inaasahang higit pang mapapaigting ang relasyon at ugnayan sa pagitan ng mga nasa security sector, civil society group at ahensya ng pamahalaan nang sa gayon ay makamit ang mapayapa at patas na halalan o ang tinatawag na Secure And Fair Elections (SAFE) sa darating na ika-13 ng Mayo, 2013.

Matapos ang gagawing briefing presentation ay magkakaroon ng Open Forum upang mapag-usapan ang mga mahahalagang isyung may kaugnayan sa SAFE.

Nakatakda ring magbigay ng mensahe si Regional Election Director Atty. Romeo B. Fortes ng Commission on Election Region V at si Police Chief Superintendent Atty. Clarence V. Guinto, Acting regional Director ng PNP Bicol. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment