Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 10 (PIA) – Isang
dayalogo sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at ng mga lider at
kinatawan ng Civil Society Organization at non-partisan group ang nakatakdang
pangunahan ng Sorsogon Police Provincial Office bukas, Abril 11, sa Villa
Isabel, lungsod ng Sorsogon.
Sa ipinadalang impormasyon sa tanggapan ng
PIA Sorsogon, layunin ng aktibidad na tinagurian nilang “Security Sector and
Civil Society Forum” na mapaigting at masustinihan ang pagpapatupad ng mga
batas pangseguridad at operasyong magsusulong ng kaligtasan ng publiko.
Sa pamamagitan din ng forum ay inaasahang
higit pang mapapaigting ang relasyon at ugnayan sa pagitan ng mga nasa security
sector, civil society group at ahensya ng pamahalaan nang sa gayon ay makamit
ang mapayapa at patas na halalan o ang tinatawag na Secure And Fair Elections
(SAFE) sa darating na ika-13 ng Mayo, 2013.
Matapos ang gagawing briefing presentation
ay magkakaroon ng Open Forum upang mapag-usapan ang mga mahahalagang isyung may
kaugnayan sa SAFE.
Nakatakda ring magbigay ng mensahe si
Regional Election Director Atty. Romeo B. Fortes ng Commission on Election
Region V at si Police Chief Superintendent Atty. Clarence V. Guinto, Acting
regional Director ng PNP Bicol. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment