Wednesday, April 10, 2013

Mga political billboards ipinatatanggal ng DPWH



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 9 (PIA) – Mahigpit ang kautusang ipinalabas ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Romeo S. Momo sa mga regional director ng DPWH ukol sa pagtanggal ng mga political billboard malapit sa mga proyekto ng DPWH.

Ayon kay DPWH Asst. Regional Director Engr. Jesus E. Salmo, napakarami nang mga reklamo ang natatanggap ng DPWH Central Office na nagkalat ang mga political billboard na inilalagay ng mga kandidato at suportador nito malapit sa mga proyektong ipinatutupad ng DPWH.

Kaugnay nito, nagpalabas din ng Memorandum Order No 4086 si Engr. Salmo sa lahat ng mga District Engineer sa buong rehiyon ng Bicol na tanggalin ang mga political billboard na inilagay 100 metro malapit sa mga proyekto ng DPWH at yaong mga nasa road right-of way.

Ang kautusan ay alinsunod din sa ipinalabas na Department Order ng DPWH Bilang 30 na may petsang Mayo 7, 2012.

Samantala, muli namang ipinaalala ni Sorsogon 1st District Engineer Romeo Doloiras sa mga kinauukulan na alinsunod din sa nakasaad sa karagdagang panuntunan ng ipinalabas na Department Order ng DPWH ukol sa paghahanda at paglalagay ng mga project billboard na dapat na sumunod sa standard na sukat na 1200mm x 2400mm o di kaya’y 4ft x 8 ft.

Wala din umanong political billboard na papayagang mailagay malapit sa mga proyekto ng DPWH at sa mga itinalagang road right-of way, at walang sinumang kontraktor ang maaaring maglagay ng mga pangalan ng pulitiko o anumang political billboard sa mga kagamitang ginagamit sa pagpapa-trabaho.

Ayon pa kay Engr. Doloiras, maari din umanong maging mapanganib sa mga dumadaan at mga motorista hindi lamang ang mga political billboard kundi maging ang mga poster, tarpaulin at iba pang mga ilalagay na campaign material sa kalsada lalo pa’t may mga pagkakataong natatakpan din ang mga directional sign na inilagay  ng DPWH.

Hinikayat din niya ang publiko na magsumbong sa kanilang tanggapan sakaling may mga nakikita ang mga ito na paglabag sa mga itinatakdang tuntunin ng DPWH. (BARecebido, PIA Sorsogon)



No comments: