Sunday, April 21, 2013

“Operation Baklas” pinangunahan ng DENR katuwang ang MFPC (advance news - 04222013)


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, April 22 (PIA) – Sa kabila ng panawagang ginagawa ng mga ahensya ng pamahalaan at iba pang mga environment concerned group, makikita pa rin sa mga punong nakatanim sa kahabaan ng pambansang lansangan at maging sa mga puno sa road right-of-way ang ginagawang paglabag base na rin sa mga nakapaskel o ipinako sa puno na mga business advertisement partikular na ang mga campaign poster.

Kaugnay nito, nagsasagawa ngayong araw ng “Operation Baklas ang mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources – Provincial Environment and Natural Resources Office (DENR-PENRO) katuwang ang Multi-Sectoral Forest Protection Council (MFPC) sa mga bayan sa unang distrito ng Sorsogon.

Ayon kay MFPC Chairman Andy Espinar, ang “Operation Baklas” ay bilang pagpapaigting pa ng kampanya ng DENR na mapangalagaan ang mga puno at maiiwas ito sa pagkakasugat at pagkamatay dahilan sa nakapakong mga business advertisement at campaign poster lalo ngayong magkakaroon ng halalan sa Mayo 13, 2013.

Bahagi din umano ang aktibidad sa pagdiriwang ng Earth Day ngayong araw kung saan muli nitong ipinapaalala sa publiko ang pagmamahal at pag-iwas sa anumang uri ng aktibidad na makasisira sa mundo.

Matatandaang una nang nanawagan si Regional Executive Director Gilbert Gonzales ng DENR sa mga pulitiko at suportador nito na gawing malinis ang gagawing pangangampanya, iwasan ang pagkakalat ng mga basura, at ikabit lamang ang mga campaign poster sa itinakdang common poster area ng Comelec.

Isinusulong din ng DENR Bicol ang Clean and Trash Free Election.

Alinsunod sa Presidential Decree 953, bawal ang pagpapako o pagpaskel ng anumang mga poster o iba pang mga paraphernalia sa puno ng kahoy. Ang mapapatunayang nagkasala ay papatawan ng mula sa anim na buwan hanggang dalawang taong pagkakakulong at penalidad na P500 hanggang P5,000.

Maging sa Section 23 ng Comelec Resolution 7767 kadugtong ng Republic Act 9006 o Fair Election Act, mahigpit ding ipinagbabawal ang pagdidikit, pagpapako ng mga campaign poster sa mga puno ng kahoy. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment