Monday, April 22, 2013

Mga hayop na nakakagat ng tao sa Sorsogon City negatibo sa rabis


Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 23 (PIA) – Dahilan sa pinaigting na kampanya ng Sorsogon ukol sa rabis, walang naitatalang nagpositibo sa rabis ang mga hayop na nakakagat ng tao particular ang mga pusa at aso.

Ayon kay Health Surveillance Team Head Registered Nurse Socorro Dimaano ng Sorsogon City Health Office 265 na ang naitala nilang insidente ng pangangagat ng pusa at aso dito sa lungsod ng Sorsogon, subalit ni isa ay wala umanong nagpositibo sa rabis.

Aniya, hindi na nila ikagugulat kung tumaas pa ang bilang nito lalo pa’t panahon ngayon ng summer at bakasyon kung saan kadalasang makikita sa labas ng bahay ang mga tao dahilan sa init ng panahon lalong-lalo na ang mga batang naglalaro at naghahabulan na siyang palagiang nabibiktima ng mga kagat ng hayop.

Subalit hindi umano nila itinitigila ang kanilang panawagan sa publiko na mag-ingat at sa mga may-ari ng hayop na maging responsable.

Sakali umanong makagat ng hayop, dapat na mahugasan umano ito ng tubig sa loob ng sampung minuto, sabunin ng maigi at hugasang mabuti at agad na sumangguni sa doktor upang maiwasan ang anumang epektong maaaring dalhin ng kagat ng hayop. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment