Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Abril 26 (PIA) –
Inaabangan at excited na ang mga Sorsoganon sa gagawing paghaharap ng mga
tumatakbong kandidato sa pagka-gobernador at bise gobernador ng Sorsogon.
Ito ay magaganap sa darating na Sabado,
Abril 27, alas nueve hanggang alas-onse ng umaga sa Laboure Hall ng St. Louise
de Marillac College of Sorsogon.
Tinaguriang “Meeting of Leaders: Changing
Sorsogon”, a Political Forum, layunin nitong pukawin ang kamalayan ng mga
Sorsoganon at maipaabot ang mga platapormang dinadala ng mga kandidato.
Matatandaang una nang nagharap-harap ang
mga tumatakbong Kongresista sa unang distrito at ikalawang distrito ng Sorsogon
kung saan dalawang kongresista sa ikalawang distrito lamang ang hindi
nakarating.
Ilan sa mga naging katanungan sa mga
kandidato ay may kaugnayan sa korapsyon, pag-aalis ng Priority Development
Assistance Fund (PDAF), good governance at public health, pagmimina, bilihan ng
boto, 4Ps at iba pa.
Tiniyak naman ng pamunuan ng Parish Pastoral
Council on Responsible Voting (PPCRV) na darating ang lahat na mga kandidatong
inimbita nila.
Ang nasabing Political Forum ay
pinangungunahan ng PPCRV ng Diocese of Sorsogon at ng Rotary Club Metro,
Sorsogon sa pakikipag-ugnayan sa Comelec Sorsogon.
Naka-iskedyul naman ang political forum
para sa mga kumakandidatong Alkalde at Bise-Alkalde ng Sorsogon City sa
darating na Mayo 4, 2013.
Samantala, nagiging usap-usapan at
inaabangan na rin ang gagawing “Harapan sa Aemilianum College” ni dating Gobernador
at City Mayor Sally A. Lee at incumbent City Mayor Leovic R. Dioneda na kapwa
tumatakbong kandidato para sa pagka-alkalde ng lungsod sa Sabado, Abril 27,
2013, alas-otso ng gabi sa Bro. Mike Paulete’s Auditorium, sa Aemilianum
College campus, Piot, Sorsogon City. Live itong mapapanood sa AITV Cable Channel
5 at maririnig sa DWAM-FM 94.3MHz sa pihitan ng mga radyo.
Ayon sa pamunuan ng Aemilianum College,
minabuti nilang magsagawa ng ganitong aktibidad upang mabigyang impormasyon at
kaalaman ang mga taga lungsod ukol sa mga kandidato sa pagka-alkalde ng Sorsogon
City at ang kanilang mga plano sa hinaharap para sa pag-unlad ng lungsod. (BARecebido,
PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment