Thursday, May 9, 2013

45 Sorsoganon akreditado ng DOT bilang bagong tour guide



Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Mayo 8 (PIA) – Akreditado na ngayon ng Department of Tourism (DoT) ang 45 Sorsoganon bilang mga bagong tour guide ng Sorsogon.

Ito ay matapos na sumailalaim ang mga ito sa tatlong araw na pagsasanay na tinaguriang “Specialized Tour Guiding Techniques Training” sa pangunguna ng pamahalaang panlalawigan ng Sorsogon sa pamamagitan ng Provincial Tourism Office sa pakikipagtulungan sa Provincial Tourism Council. Ang pagsasanay na ito ay pinondohan ng DoT Regional V.

Sa panayam kay DoT Dir. Maria Ravanilla, sinabi nitong sa laki ng potensyal ng turismo ng Sorsogon, kulang na kulang ang mga tour guide ng lalawigan na mayroong mga tamang kasanayan kung kaya’t nagpapasalamat siya sa pamahalaang lalawigan ng Sorsogon sa pamumuno ni Governor Raul R. Lee sapagkat binigyang prayoridad ang ganitong aktibidad sa Tourism Plans and Programs ng lalawigan ngayong 2013.

Isa din umano itong oportunidad pangkabuhayan ng mga Sorsoganon kung saan sa pamamagitan ng pagiging akreditadong tour guide, tataas ang kanilang kita, at mawiwili dito ang mga turistang dadayo dito sapagkat mabibigyan sil ang kaukulang seguridad.

Sinabi din ni Dir. Ravanilla na ngayong pinalawak pa ang ALMASOR (Albay. Masbate, Sorsogon), nabubuksan na rin ang iba pang mga destinasyong pangturismo sa Sorsogon na higit pang aakit ng mga dadayong turista.

Ipinaliwanag naman ni Ginoong Paul Lim So, isang akreditadong instructor ng Department of Tourism at siyang naging tampok na tagapagsalita sa ginanap na pagsasanay kung paano kumita sa pagiging tour guide at kung papaanong magbubukas din ito ng iba pang mga pangkabuhayan.

Dagdag din niya na makatutulong din ang mga may kasanayang tour guide sa pangangalaga ng kalikasan ng isang lugar lalo pa’t alam nilang ito ang nagbibigay sa kanila ng mapagkakakitaan.

Kabilang sa mga itinuro sa mga kalahok ang Practical Guiding Techniques, Dos and Don’t’s in Tour Guiding, Tourist Behavior Pattern at Market Profile, Good Customer Service, hotel procedures at mga responsibilidad ng isang tour guide. Nagkaroon din sila ng mock tour guiding sa mga pangunahing destinasyong pangturismo ng Sorsogon tulad ng Donsol sa unang distrito at Bulusan at Matnog sa ikalawang distrito ng Sorsogon.

Ayon sa mga bagong akreditadong tour guide, malaking tulong sa kanila ang libreng pagsasanay na ito at higit pa umanong nahasa ang kanilang kakayahan sa pakikitungo sa mga turista lokal man o dayuhan. Naghayag din ang mga ito ng kahandaang mai-aplay sa lalong madaling panahon ang mga natutunan nila mula sa kanilang naging tagapagsanay. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment