Tuesday, May 7, 2013

Comelec Sorsogon walang naitalang problema sa ginawang pagsusuri at pagseselyo ng PCOS machine


Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Mayo 7 (PIA) – Walang naitalang anumang problema ang Comelec Sorsogon matapos ang ginawang pagsusuri ng mga Precinct Counting Optical Scan (PCOS) machine kahapon bilang paghahanda sa eleksyon sa Mayo 13, 2013, ito ang naging pahayag ni Comelec Provincial Election Supervisor Atty. Calixto Aquino.

Ayon kay Atty. Aquino, alas syete ng umaga kahapon ng simulan ang pagdadala ng mga PCOS machine sa 690 na mga clustered precincts sa iba’t-ibang bahagi ng Sorsogon.

Alas-nueve ng umaga nang sinimulan ang pagsusuri sa makina sa pamamagitan ng isang mock election, naroroon ang isang technician upang gabayan ang Board of Election Inspector at tiyaking maayos ang kondisyon ng makina bago ang ginawang pagseselyo. 

Bago magtanghali ay natiyak na ng Comelec base sa mga nakarating sa kanilang ulat na walang anumang aberyang kinaharap ang mga naideliber na PCOS machine sa Sorsogon.

Kaugnay nito, tiniyak ng Comelec Sorsogon na handang-handa na ito para sa gagawing halalan sa Lunes.

Pagseselyo ng PCOS Machine
Samantala, mahigpit din ang seguridad ng mga awtoridad maging ang mga opisyal ng barangay sapagkat sa kanila ngayon nakaatang ang responsibilidad sa pagbabantay ng mga PCOS machine hanggang sa matapos ang eleksyon at tuluyan itong maibalik sa Comelec.

Ayon kay Brgy. Captain Norneto M. Gile ng Casini, Irosin, Sorsogon, sistematiko ang gagawin nilang pagbabantay sa makina sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga tanod na magbabantay dito. Umapela din umano siya sa mga residente na makiisa, maging alerto at agad na magsumbong sa kanila sakaling may mapansin silang kakaibang mga galaw o di kaya’y mga kaduda-dudang bagong mukhang aali-aligid sa Casini Elementary School. (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment