Tuesday, May 7, 2013

Organisasyon ng mga kabataan nagsagawa ng Summer Youth Camp

Mga kalahok sa BIMJA Youth Camp 2013

Ni: Bennie A. Recebido

Lungsod ng Sorsogon, Mayo 7 (PIA) – Higit pang naging malapit sa isa’t-isa at naging buo ang relasyon ng mga kabataan mula sa tatlong bayan ng Sorsogon matapos ang isinagawang Summer Youth Camp at 1st General Alumni ng mga ito sa pakikipagkawing sa Integrated Rural Development Foundation (IRDF) mula Mayo 3, 2013 hanggang kahapon sa Casini Elementary School sa Irosin, Sorsogon.

Tema ng aktibidad ang “Nagkakaisang Kabataan sa Sorsogon Tungo sa Paghubog ng Kasanayan sa Isports, Talento, Pananaw, at Desisyon”.

Nilahukan ito ng mga kabataang edad 13 hanggang 30 mula sa mga bayan ng Bulan, Matnog at Irosin. Karamihan sa mga ito ay nakatapos lamang ng elementarya, nagsimulang magtrabaho sa murang edad, habang ang iilan ay may bisyo ng paninigarilyo.

Ayon kay Aby L. Salceda, over-all chairperson ng Bulan, Irosin, Matnog and Juban Association (BIMJA), layunin ng apat na araw na aktibidad na magabayan ang mga kabataang ito ng tama nang sa gayon ay maging higit na produktibo at hindi lamang nakatuon ang mga aktibidad sa palaro o pagdayo sa iba-ibang lugar kung saan mayroong sayawan.

Ginawa namang balanse ang aktibidad kung saan nagkaroon ng mga sport activities, mga patimpalak sa pagandahan at lecture-workshop ukol sa mahalagang papel ng kabataan sa pamilya, sa kalikasan, sa edukasyon at sa hanapbuhay. Sa pamamagitan ng palabas na tinawag na “living portrait” ng mga kabataan, lumabas ang mga isyung may kaugnayan sa suliranin sa magulang, pagrerebelde, pagkasira ng pag-aaral, pagbibisyo at maagang pagbubuntis sa mga reyalidad na kinakaharap nila.

Sa bahagi naman ng komunidad, lumabas ang corruption, political will, geothermal exploration, illegal na pagpuputol ng kahoy, suliranin sa kalusugan at mga pag-aalsa ng komunidad sa mga pangunahing isyung nakikita ng mga kabataan.

Ayon sa kanila, inspirasyon sa kanila ang nakuhang mga input sa pagharap sa malaking hamon ng pagiging kabataan. Nagpasalamat din ang mga ito sa mga tumulong upang maging matagumpay ang kanilang aktibidad at aminado umano silang malaki ang naitulong nito sa kanila upang higit na maunawaan ang mahalagang papel ng kabataan sa pamilya, komunidad at kalikasan.

Suportado ang naging aktibidad ng BIMJA at ng IRDF ng Philippine Information Agency (PIA), Step Yes Consultancy at iba pang mga volunteer group. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment