Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Mayo 21 (PIA) – Halos
dalawang linggo na lamang ang natititira bago ang pasukan kung kaya’t abala na
naman ang mga mag-aaral at magulang sa pagbili ng mga kagamitan bilang
paghahanda sa pagbubukas ng mga paaralan.
Kaugnay nito, muli na namang nakaalalay ang
Department of Trade and Industry (DTI) upang matulungan ang mga mag-aaral at
magulang sa kanilang mga gastusin sa kagamitan sa pag-aaral sa pamamagitan ng
kanilang “Diskwento Caravan – Balik Eskwela Ediiton”.
Ayon kay DTI Sorsogon Information Officer
Senen Malaya, inilunsad ng DTI ang isang pambansang proyektong tinagurian
nilang “Diskwento Caravan” nang sa gayon ay matulungan ang mga kunsumidor na
makabili ng mga kagamitan at produkto sa mas mababang halaga nang hindi
nasasakripisyo ang kalidad nito.
Aniya, para sa lalawigan ng Sorsogon, ang
“Diskwento Caravan – Balik Eskwela Edition” ay isasagawa sa pakikipagtulungan
sa Department of Educatio (DepEd) kasabay ng pagsasagawa nito ng “Brigada
Eskwela”, sa Sorsogon Consumers Association at sa iba-ibang mga
establisimyentong nangakong makikilahok dito tulad ng Centro Department Store,
Duka Variety Store; Goodluck Commercial; at Jeanee’s Supermarket.
Kabilang sa mga ibebenta sa may diskwentong
halaga ay mga kagamitang tulad ng kwaderno, papel, lapis, pambura, pangtasa,
bag, sapatos at uniporme, mga pambaon at iba pa.
Ang dalawang araw na aktibidad ay gagawin
simula sa Miyerkules, ika-22 ng Mayo hanggang sa Huwebes, Mayo 23, 2013 sa
Distrito ng Bacon, Lungsod ng Sorsogon.
Sa Mayo 22, 2013, gagawin ang “Diskwento
Caravan – Balik Eskwela” alas otso hanggang alas-onse y medya ng umaga sa Bonga
Integrated High School; ala-una hanggang alas-kwatro y medya ng hapon sa Rawis
National High School; at sa Mayo 23, 2013,gagawin naman ito alas-otso hanggang
alas-onse y medya ng umaga sa Gatbo Integrated High School; habang ala-una
hanggang alas-kwatro y medya naman ng hapon sa L. Martinez Memorial High
School.
Subalit nilinaw ni Malaya na hidi nila
nililimithan ang “Diskwento Caravan” sa mga nabanggit lamang na barangay kundi
bukas umano ito sa mga katabing mga barangay at sa sinumang interesadong
makabili ng mga kagamitan sa murang halaga. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment