Tuesday, June 11, 2013

Aktibidad pangkalikasan tampok sa pagdiriwang ng Philippine Independence Day



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 12 (PIA) – Nakatutok ang mga opsiyal ng pamahalaang lalawigan ng Sorsogon partikular na ang pamahalaang bayan ng Bulusan sa pagdiriwang ngayong araw at paggunita sa ika-115 na selebrasyon ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

Tampok sa pagdiriwang ang mga aktibidad pangkalikasan tulad ng Bulusan Volcano International Skyrun Conquest, kung saan sa halip na ordinaryong pagtakbo sa lansangan ang gagawin, ang mga kalahok ay tatakbo paakyat sa isang bulkan. Nakilahok dito hindi lamang ang mga lokal na mananakbo kundi maging mga dayuhan din. Kauna-unahan itong ginawa sa bansang Pilipinas.

Ginawa din kanina ang Eco-Trail adventure na may 21, 10, 5 at 3 kilometrong kategorya. Nasa ikatlong taon na itong ginagawa sa bayan ng Bulusan sa pangunguna ni Mayor Mike Guysayko.

Ang dalawang malaking aktibidad na tinagurian nilang “Thrills in the Trails to the Max,” ang napili nilang itampok sa pagdiriwang ngayong ika-115 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas na nakapaloob din sa pagdiriwang ng Environment Month.

Ayon kay Mayor Guysayko, bago matapos ang kanyang termino bilang alkalde ng Bulusan, nais umano niyang mag-iwan ng legasiya at nais niyang nakatuon ang legasiyang ito sa pagmamahal at pangangalaga sa kalikasan. Ang maganda, maayos at ligtas na kapaligiran ay nangangahulugan din umano ng tunay na kalayaan laban sa mga panganib at hagupit ng kalikasan.

Dagdag atraksyon din ang kasalukuyang Miss Philippines Earth at ang 2012 Miss Earth Air at Miss Philippines Fire na nakiisa sa ginawang aktibidad sa Bulusan. Naroroon din si ABS-CBN managing director at tagapagsulong ng mga adbokasiyang pangkalikasan Ms. Gina Lopez.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Cris Racelis, malaking tulong ang presensya ng mga ito sa pagsusulong ng bayan ng Bulusan bilang isang pangunahing eco-tourism destination ng Sorsogon at sa patuloy na proteksyon at pangangalaga sa Bulusan Volcano National Park (BVNP) at sa palibot nito kasama na rin ang isinusulong na National Greening Program (NGP) ng pamahalaan. (BARecebido, PIA Sorsogon)






No comments:

Post a Comment