Monday, June 10, 2013

Miss Earth beauties makikiisa sa pagdiriwang ng Environment Month at Independence Day sa Sorsogon



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 11 (PIA) – Bibisita sa Sorsogon ang tatlong naggagandahang Miss Philippines Earth upang makiisa sa pagdiriwang ng Environment Month ngayong Hunyo at ng Independence Day bukas.

Sa ipinadalang impormasyon ni provincial Tourism Officer Cris Racelis, inaasahang darating ngayong tanghali si Miss Philippines Earth Angelle Delos Reyes kasama si Miss Earth Air 2012 Steph Stefanowitz at Miss Philippines Fire 2012 Thoreen Halvorsen para sa unang bahagi ng kanilang responsibilidad bilang Miss Earth na tinaguriang “Fun Moments with Philippines Earth”.

Itinaon ang pagbisita ng naggagandahang mga dilag mula Hunyo 11 hanggang 13, 2013 upang makiisa sa mga Sorsoganon sa pagdiriwang ng Environment Month at ng Independence Day. Tinawag ang kanilang aktibidad na “Bicol Projects Familiarization at Bulusan Eco-Trail and Skyrun”.

Kasama din ng mga binibini ang sikat na environmentalist at ABS-CBN managing director Ms. Gina Lopez sa pagbisita sa Sorsogon.

Kabilang sa mga aktibidad nito sa lalawigan ay ang pagpunta sa Sorsogon City Pier at Tree Planting Activity sa deklaradong Mangrove Reforestation Site sa Brgy. Gimaloto, Sorsogon City.

Sa hapon ay magkakaroon ng familiarization trek sa palibot ng Bulusan Lake at magsasagawa din ng inspeksyon sa lugar na posibleng pagtayuan ng Eco-Academy Center sa bayan ng Bulusan, Sorsogon. Makikipulong din ang mga ito sa mga prospek na benepisyaryo ng Beekeeping, pili oil at iba pang produktong galing sa pili at  produktong coco coir.

Makikiisa naman ang mga bisitang binibini sa pagdiriwang ng 115th Philippine Independence Day sa Hunyo 12 na gaganapin sa Bulusan, Sorsogon sa pamamagitan ng pagbigay suporta at inspirasyon sa mga lalahok sa Skyrun at pagsasagawa ng Trek patungong Ranger Station.

Iikot din ang grupo sa iba pang mga ipinagmamalaking lugar ng Sorsogon tulad ng Crystal Springs, Masacrot Springs at Fulo Springs. Isang magandang relaxation din ang naghihintay sa grupo kung saan bibigyan din ito ng pagkakataon para sa 45-minutong hot spring theraphy bath bago ito tuluyang bumalik sa lungsod.

Babalik sa Maynila ang grupo sa Hunyo 13, 2013. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments:

Post a Comment