Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 11 (PIA) – Bibisita
sa Sorsogon ang tatlong naggagandahang Miss Philippines Earth upang makiisa sa
pagdiriwang ng Environment Month ngayong Hunyo at ng Independence Day bukas.
Sa ipinadalang impormasyon ni provincial
Tourism Officer Cris Racelis, inaasahang darating ngayong tanghali si Miss
Philippines Earth Angelle Delos Reyes kasama si Miss Earth Air 2012 Steph
Stefanowitz at Miss Philippines Fire 2012 Thoreen Halvorsen para sa unang
bahagi ng kanilang responsibilidad bilang Miss Earth na tinaguriang “Fun Moments with Philippines Earth”.
Itinaon ang pagbisita ng naggagandahang mga
dilag mula Hunyo 11 hanggang 13, 2013 upang makiisa sa mga Sorsoganon sa
pagdiriwang ng Environment Month at ng Independence Day. Tinawag ang kanilang
aktibidad na “Bicol Projects Familiarization at Bulusan Eco-Trail and Skyrun”.
Kasama din ng mga binibini ang sikat na
environmentalist at ABS-CBN managing director Ms. Gina Lopez sa pagbisita sa
Sorsogon.
Kabilang sa mga aktibidad nito sa lalawigan
ay ang pagpunta sa Sorsogon City Pier at Tree Planting Activity sa deklaradong
Mangrove Reforestation Site sa Brgy. Gimaloto, Sorsogon City.
Sa hapon ay magkakaroon ng familiarization
trek sa palibot ng Bulusan Lake at magsasagawa din ng inspeksyon sa lugar na
posibleng pagtayuan ng Eco-Academy Center sa bayan ng Bulusan, Sorsogon.
Makikipulong din ang mga ito sa mga prospek na benepisyaryo ng Beekeeping, pili
oil at iba pang produktong galing sa pili at produktong coco coir.
Makikiisa naman ang mga bisitang binibini
sa pagdiriwang ng 115th Philippine Independence Day sa Hunyo 12 na
gaganapin sa Bulusan, Sorsogon sa pamamagitan ng pagbigay suporta at
inspirasyon sa mga lalahok sa Skyrun at pagsasagawa ng Trek patungong Ranger
Station.
Iikot din ang grupo sa iba pang mga
ipinagmamalaking lugar ng Sorsogon tulad ng Crystal Springs, Masacrot Springs
at Fulo Springs. Isang magandang relaxation din ang naghihintay sa grupo kung
saan bibigyan din ito ng pagkakataon para sa 45-minutong hot spring theraphy
bath bago ito tuluyang bumalik sa lungsod.
Babalik sa Maynila ang grupo sa Hunyo 13,
2013. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment