Thursday, June 13, 2013

Land Transportation Office-Bicol, kampiyon sa pagpapatupad ng Helmet Law




Ni: FB Tumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 14 (PIA) –  Matapos ang pinaigting na kampanya ng Helmet Law ng Land Transportation Office-Bicol, nagbunga rin ang pagpapakahirap ng mga opisyal na matapos na mabigyan ito ng pagkilala at mapiling kampiyon  sa   mahigpit na pagpapatupad  ng batas sa paggamit ng helmet laban sa mga drayber na hindi nagsusuot ng protective gear sa ulo sa pagmamaneho.

Sinabi ni LTO Sorsogon Chief Felicidad Mendoza, basehan aniya ng LTO Manila sa pagpisil ng kampiyon ay ang performance, istatistika o laki ng bilang ng mga nahuling walang suot na proteksyon sa ulo at iba pang bayolasyon.

Matapos maaprubahan ang Motorcycle Helmet Act of 2009  at tuluyang isakatuparan ng  ahensya ang panghuhuli sa mga motoristang nagbibiyahe ng walang sapat na proteksyon sa kanilang mga ulo ay bumilang na ng maraming nahuhuling pasaway na nagmomotor at hindi sumusunod sa itinatakda ng Helmet Law.

Sa pamamagitan aniya ng  pagbibigay insentibo  tulad ng parangal bilang pagkilala sa ipinakitang  sipag, tiyaga at kagalingan sa pagganap sa tungkulin ng mga deputized agent sa kanilang hanay ay  nagbunga ito ng karangalan, karangalang hindi kailanman maaring pantayan ng anumang halaga upang higit pang pagbutihin ng mga ito ang kanilang sinumapaang trabaho.

Sinabi pa ni Mendoza na sa kabila ng mababang bilang ng mga personahe o tauhan ng kanilang tanggapan sa kasalukuyan, kung saan umaabot lamang sa 15 katao ang umiikot sa loob ng 24 na oras sa loob ng 7 araw sa ibat-ibang panig ng probinsya sa Bicol ay buong husay pa ring kinakitaan ng magandang pagganap sa kanilang mga tungkulin ang mga tauhan ng LTO.

Ayon pa sa hepe, nakipag-unayan na rin sa kanya si Sorsogon City Police Chief PSSupt. Edgardo Ardales Jr.  para humingi  ng karagdagang ahente  upang makatulong sa pagmamantini ng maayos at ligtas na trapiko sa mga kalsada.

Aminado si Mendoza na malaki ang kakulangan nila sa tauhan at  ipinarating na nya sa kanilang direktor ang kahilingang dagdag personahe para maagang ma-isailalim ang mga ito sa seminar  bilang mga bagong deputized  agent  at maikalat sa lungsod at probinsya ng Sorsogon.

Tiniyak naman ng kanilang direktor na aaksyunan nila ang nasabing kahilingan. (FB Tumalad, PIA Sorsogon)



No comments: