Ni: FB Tumalad
Lungsod ng Sorsogon, Hunyo 6 (PIA) –Matapos
magpalabas ng derektiba kamakailan si Education Secretary Armin Luistro
sa mga opisyal ng Deped sa buong bansa hinggil sa istriktong implementasyon ng pagbabawal sa
pangungulekta ng anumang halaga sa elementarya sa mga pampublikong paaralan.
Nanawagan naman ng nakalipas na araw si
Sorsogon City Schools Division Superintendent Ma. Socorro De La Rosa sa lahat
ng mga school heads na nasa ilalim ng kanyang nasasakupan dito sa lungsod ng
Sorsogon lalo na sa mga pampublikong paaralan na sundin ang No Collection
Policy sa mga mag-aaral at magulang .
Sinabi pa ni Dr. Socorro na mahigpit ang panawagan
sa mga regional directors, Provincial, Municipal at City Superintendent ni Sec.
Luistro na sundin ang kautusang nakapalaman sa DepEd Memorandum Order# 41
series of 2012 o ang Revised Guidelines on
the Opening of Classes.
Ayon pa sa kaniya, ibinaba ang derektiba
noong nakaraang taon at muli itong binuhay ngayon ng kalihim upang maibsan ang alalahanin
ng mga magulang dala ng kahirapan at mabawasan ang gastusin ng mga ito lalo
pa’t malaki ang gastusin sa mga gamit pa lamang ng mga mag-aaral.
Walang koleksyon sa mga mag-aaral mula kinder
hanggang Grade 3 mula Hunyo 3 hanggang sa taong 2014 at wala ring koleksyon sa
Grade 4 pupil hanggang Grade 6 simula Hunyo hanggang Hulyo ngayong taon.
Sakali aniyang may mga magulang na
sapilitang pinagbayad ng anumang halaga para sa kontribusyon sa paaralan ay
maaring magsumbong sa School Supervisor, principal o di kaya’y sa City Schools Superintendent
upang mabigyan ng agarang atensyon o aksyon. (FB Tumalad,PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment