Tuesday, June 4, 2013

Mga kasundaluhan nakiisa sa pagbubukas ng klase; pagmamahal sa bayan binigyang-diin



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 5 (PIA) – Nakiisa ang 903rd Infantry Brigade sa naging pagbubukas ng klase noong Lunes, Hunyo 4, 2013 sa Castilla East Central School sa Brgy. Poblacion, Castilla, Sorsogon.

Ginawa nila ito sa pamamagitan ng pagsabay sa ginawang Flag Raising Ceremony at paglalahad ng Panatang Makabayan kung saan binigyang-diin nila ang kabayanihan, sakripisyo at dignidad ng mga unipormadong kababaihan at kalalakihan na nasa serbisyo. Kasama din dito ang pagpapahalaga sa ginawang serbisyo at pagpapasakit ng mga kasundaluhan upang depensahan ang teritoryo at maprotektahan ang kasarinlan ng bansa.

Ayon kay 903rd Infantry Brigade Commanding Officer Joselito E. Kakilala bahagi ito ng kanilang kampanya na magbigay ng impormasyon sa publiko sa pamamagitan ng pagbisita sa iba’t-ibang mga organisasyon, academe, at civil society group sa lalawigan ng Sorsogon sa ilalim ng Internal Peace and Security Plan (IPSP)-Bayanihan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Isa din umano ito sa isinusulong ng brigada na maturuan ang publiko ng kanilang mga papel na ginagampanan sa pagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran at mapigilan ang mga masasamang elemento sa patuloy na ginagawang pagrerekrut sa mga kabataan na gumawa ng mga lihis sa tamang landas.

Sa bagong IPSP, kung saan isinusulong nito ang bagong istratehiya ng “winning the peace” advocacy ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, binabago nito ang pananaw ng publiko sa pagtugon sa problema ng insurhensiya mula sa solusyong militaristic patungo sa istratehiyang “people-centered security”.

Naniniwala si Col Kakilala na sa pamamagitan ng hakbang na ito ay tuluyan nang mamumulat ang kamalayan ng publiko na nasa kanilang mga kamay ang pagsusulong ng tunay na kapayapaan sa bansa. (BARecebido, PIA Sorsogon)



No comments:

Post a Comment