Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 5 (PIA) – Nakiisa
ang 903rd Infantry Brigade sa naging pagbubukas ng klase noong
Lunes, Hunyo 4, 2013 sa Castilla East Central School sa Brgy. Poblacion,
Castilla, Sorsogon.
Ginawa nila ito sa pamamagitan ng pagsabay
sa ginawang Flag Raising Ceremony at paglalahad ng Panatang Makabayan kung saan
binigyang-diin nila ang kabayanihan, sakripisyo at dignidad ng mga unipormadong
kababaihan at kalalakihan na nasa serbisyo. Kasama din dito ang pagpapahalaga
sa ginawang serbisyo at pagpapasakit ng mga kasundaluhan upang depensahan ang
teritoryo at maprotektahan ang kasarinlan ng bansa.
Ayon kay 903rd Infantry Brigade Commanding
Officer Joselito E. Kakilala bahagi ito ng kanilang kampanya na magbigay ng
impormasyon sa publiko sa pamamagitan ng pagbisita sa iba’t-ibang mga
organisasyon, academe, at civil society group sa lalawigan ng Sorsogon sa ilalim
ng Internal Peace and Security Plan (IPSP)-Bayanihan
ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Isa din umano
ito sa isinusulong ng brigada na maturuan ang publiko ng kanilang mga papel na
ginagampanan sa pagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran at mapigilan ang mga
masasamang elemento sa patuloy na ginagawang pagrerekrut sa mga kabataan na
gumawa ng mga lihis sa tamang landas.
Sa bagong IPSP, kung
saan isinusulong nito ang bagong istratehiya ng “winning the peace” advocacy ng
Sandatahang Lakas ng Pilipinas, binabago nito ang pananaw ng publiko sa
pagtugon sa problema ng insurhensiya mula sa solusyong militaristic patungo sa istratehiyang
“people-centered security”.
Naniniwala si
Col Kakilala na sa pamamagitan ng hakbang na ito ay tuluyan nang mamumulat ang
kamalayan ng publiko na nasa kanilang mga kamay ang pagsusulong ng tunay na
kapayapaan sa bansa. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment