Tuesday, June 4, 2013

Shifting ng klase, solusyon sa malaking bilang ng populasyon ng SNHS



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 5 (PIA) – Sa kabila ng naging paglobo ng bilang ng populasyon ng mag-aaral sa Sorsogon National High School (SNHS), nakaisip pa rin ng paraan ang pamunuan ng paaralan upang hindi masakripisyo ang kalidad ng edukasyon na makukuha ng mga mag-aaral.

Ayon kay Dr, Blanca Rempillo, principal ng SNHS, minabuti nilang gawing dalawang shifting ang iskedyul ng pagpasok ng mga mag-aaral sa lahat ng antas nang sa gayon ay hindi maapektuhan ang pag-aaral ng mahigit limang libong mga mag-aaral na naka-enrol ngayon sa kanilang paaralan.

Layunin din ng shifting scheme na maiwasan ang pagsisiksikan ng mga mag-aaral sa loob ng klase na malaking hadlang sa maayos at tamang pagkatuto ng mga mag-aaral.

Ang first shift ay gagawin nila mula alas-sais ng umaga hanggang alas-dos ng hapon habang ang second shift naman ay mula 11:45 ng umaga hanggang alas-sais ng gabi.

Maliban sa ganitong iskema, 38 mga bagong guro din ang nadagdag ngayong taon sa kanilang teaching force na malaking tulong upang mabawasan ang malalaking bilang ng mga mag-aaral sa bawat seksyon at makapagbukas sila ng mga panibagong seksyon.

Sinabi din ni Dr. Rempillo na sa pagbubukas ng klase noong Lunes ay umabot na sa 114 ang kabuuang bilang ng seksyon na binuksan nila kung saan bawat seksyon ay may lamang 45 mag-aaral. Maaari pa umano itong tumaas depende sa bilang ng mga tatanggapin pa nilang late enrollees hanggang sa Agosto ngayong taon.

Ang SNHS ay isang pampublikong paaralan na may pinakamalaking bilang ng populasyon sa Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: