Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 5 (PIA) – Sa
kabila ng naging paglobo ng bilang ng populasyon ng mag-aaral sa Sorsogon
National High School (SNHS), nakaisip pa rin ng paraan ang pamunuan ng paaralan
upang hindi masakripisyo ang kalidad ng edukasyon na makukuha ng mga mag-aaral.
Ayon kay Dr, Blanca Rempillo, principal ng
SNHS, minabuti nilang gawing dalawang shifting ang iskedyul ng pagpasok ng mga
mag-aaral sa lahat ng antas nang sa gayon ay hindi maapektuhan ang pag-aaral ng
mahigit limang libong mga mag-aaral na naka-enrol ngayon sa kanilang paaralan.
Layunin din ng shifting scheme na maiwasan
ang pagsisiksikan ng mga mag-aaral sa loob ng klase na malaking hadlang sa
maayos at tamang pagkatuto ng mga mag-aaral.
Ang first shift ay gagawin nila mula
alas-sais ng umaga hanggang alas-dos ng hapon habang ang second shift naman ay
mula 11:45 ng umaga hanggang alas-sais ng gabi.
Maliban sa ganitong iskema, 38 mga bagong
guro din ang nadagdag ngayong taon sa kanilang teaching force na malaking
tulong upang mabawasan ang malalaking bilang ng mga mag-aaral sa bawat seksyon
at makapagbukas sila ng mga panibagong seksyon.
Sinabi din ni Dr. Rempillo na sa pagbubukas
ng klase noong Lunes ay umabot na sa 114 ang kabuuang bilang ng seksyon na
binuksan nila kung saan bawat seksyon ay may lamang 45 mag-aaral. Maaari pa
umano itong tumaas depende sa bilang ng mga tatanggapin pa nilang late enrollees
hanggang sa Agosto ngayong taon.
Ang SNHS ay isang pampublikong paaralan na
may pinakamalaking bilang ng populasyon sa Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment