Tuesday, June 4, 2013

Unang araw ng klase maayos na naipatupad; police visibility lalong pinaigting



Ni FB Tumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 4 (PIA) – Maayos ang kinalabasan ng pagbubukas ng unang araw ng klase sa Sorsogon kahapon sapagkat walang anumang naitatalang kaguluhan o anumang negatibong pangyayaring maaaring nakaapekto sa unang araw ng School Year 2013-2014.

Ayon sa mga obserbador, ito ay sanhi na rin ng pinaigting na police visibility sa mga istratehikong lugar at sa kooperasyon na rin ng publiko partikular na ang libo-libong mga mag-aaral na nagsipasukan na sa lahat ng antas ng paaralan kahapon.

Mayroon ding inilagay na Police Assistance Desk (PAD) na makikita mismo sa harapan ng malalaking mga pampublikong paaralan na magtatagal ng buong linggo.

Sinabi ni Sorsogon City Police Chief PSupt. Edgardo Ardales na mahalaga ang Police Assistance Desk sa mga paaran lalo pa’t abala ngayon ang lahat ng mga paaralan mula preparatory school hanggang sa kolehiyo. Aniya, maaring lapitan ninuman ang inilagak na Police Assistance Desk sa oras na kailangan ng tulong ng mga mag-aaral at magulang at tiniyak ng hepe na makakaasa sila ng asistensya mula sa mga unipormadong pulis.

Ayon sa opisyal limitado man sya sa mga tauhan ang City Police Office subalit tiniyak nito na mananatiling naririyan ang kanilang presensya para magbigay ng kanilang serbisyo at mapanatili ang kaayusan sa mga kalsada at mga paaralan sa lahat ng panahon.

Panawagan din ni Ardales sa mga magulang na huwag papayagan ang kanilang mga anak na magdala ng anumang mamahaling kagamitan o gadget sa paaralan nang sa gayon ay maiwasan ang mga problema at posibleng kapahamakan ng kanilang mga anak.

Kabilang din sa binabantayan ng mga ito ay ang mga internet café at mga bilyarang malapit sa mga paaralan. Binalaan na rin nila umano ang mga may-ari nito na huwag tatanggap ng mga estudyante sa oras ng klase sapagkat malimit ginagawang tambayan at palipasam ng oras ng mga mag-aaral na nahuhumaling sa mga online games sa halip na pumasok sa kanilang mga klase.  

Dagdag pa ni Ardales na magiging abala sila hanggang sa kapistahan ng lungsod ng Sorsogon sa darating na Hunyo 28-29, 2013.

Kabilang din sa preparasyong pinaghahandaan ng City PNP ang oath-taking ceremony ng mga bagong uupong opisyal ng lungsod sa Hunyo 30 ngayong taon para sa panibagong tatlong taong termino. (FBTumalad, PIA Sorsogon)

No comments: