Ni: FB Tumalad
Lungsod ng Sorsogon, Hunyo 7 (PIA) -
Nagsagawa nitong unang araw ng Hunyo ang 30 tauhan ng Lugus Double Trading
Services (LDTS) ng inspeksyon sa mga kabahayan sa ibat-ibang bahagi ng lungsod
ng Sorsogon upang magbigay kaalaman, babala at mahahalagang tip sa publiko
hinggil sa pagtukoy ng depektibong tangke ng Liquified Petroleum Gas partikular
ang Solane LPG na nabibili sa mga tindahan.
Base sa ipinakitang resibo ni Reynaldo
Gattoc tumatayong Safety Consultant ng LDTS, na nakabase sa Commonwealth Avenue
Fair View Park Quezon City, ang kumpanya ay pinamumunuan ni James Colleta.
Sinabi pa ni Gattoc na mananatili sila sa loob ng isang buwan sa
bawat probinsya sa kabikulan para lamang
magsagawa ng pag-aaral hinggil sa mga depektibong tangke at sinabi nito kung
paano malalaman ang standard at sub-standard
o mapanganib na tangke.
Ayon pa kay Gattoc ang mga tangke na pumasa
sa pagsusuri ng ahensya ng Department of Trade and Industry (DTI) ay markado ng
nakaukit na PNS 1992-2000, habang ang sub–standard naman na tangke o hindi
pumasa sa tamang pagsusuri ng DTI-Standards ay may nakaukit na 1980-1991.
Pangalawa sa mapanganib na tangke na dapat
malaman ng publiko kung may bakas at palatandaang hinati sa gitna o pinutol at
muling idinugtong gamit ang acetylene.
Ang pangatlong palatandaan ay ang
pagkalabog sa tangke. Sa oras umano kinalabog ng matigas na bagay ang tangke at
tunog lata ito ay nangangahulugang manipis ang materyal na ginamit at mapanganib
ito oras na mabutas sapagkat maari itong sumabog.
Sakaling makita umano ang mga palatandaan
sa biniling tangke, pinapayuhan nila ang mga mamimili na huwag itong
tatanggapin at agad papalitan upang makaiwas sa sunog. Ang kaunting leakage ay
maari ding pagmulan ng pagsambulat nito.
Abiso din ni Gattoc na palitan ang clamp ng
hose pagkalipas ng tatlong buwan dahil nagkakaroon ito ng kalawang na maaring
daanan ng singaw at maaring pagmulan ng sunog at masamang epekto sa kalusugan
ng tao. Habang ang hose naman ng LPG ay dapat pinapalitan sa tuwing ika-anim
hanggang walong buwan dahilan sa synthetic ito at natutunaw ng hindi
namamalayan ng mga kasambahay na kadalasang pinagmumulan ng malaking pagsabog.
Subalit ayon sa DTI Sorsogon, maaring
nagsasagawa ng adbokasiya ang nasabing kumpanya at nilinaw nito na walang
naganap na koordinasyon sa kanilang tanggapan ang naturang kumpanya.
Nagbabala ang DTI Sorsogon sa publiko na
doblehin ang pag-iingat lalo sa pagpapapasok ng mga taong katulad nito sapagkat
kadalasan aniya ay ganito ang modus operandi ng mga masasamang loob na umiikot
sa Metro Manila at umaabot na rin ito sa kabikulan. (FB Tumalad, PIA Sorsogon)
No comments:
Post a Comment