Thursday, June 6, 2013

Send-off Ceremony para sa mga bagong iskolar isinagawa



Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 6 (PIA) – Emosyunal subalit puno ng excitement ang ginawang send-off ceremony noong Miyerkules, Hunyo 5, para sa 13 mga bagong iskolar ng La Verdad Christian College at ng UNTV, isang national TV station sa bansa.

Ginawa ang send-off ceremony sa 903rd Brigade Headquarters sa Brgy. Poblacion, Castilla, Sorsogon kung saan naroroon ang mga magulang ng iskolar upang magbigay ng suporta sa pag-alis ng kanilang mga anak.

Naroon din upang magbigay ng suporta si Mr. Danny Navales, ang Luzon News Bureau Manager ng UNTV kasama ang ilang reporter at cameraman, ilang media personality, Philippine Information Agency, Civil Military Officer ng 31st Infantry Battallion Capt. Armando S. Bohol,  at Municipal Secretary Mr. Edgar D. Ardales, Jr. na siyang naging kinatawan ni Castilla Mayor Olive Bermillo.

Katuwang ng La Verdad Christian College at UNTV ang 903rd Infantry Brigade ng Philippine Army sa pamumuno ni Col. Joselito Kakilala. Ang nasabing brigade ang nangasiwa sa paghahanap ng mga kwalipikadong iskolar mula sa iba-ibang mga komunidad sa lalawigan ng Sorsogon.

Hamon ng naging mga tagapagsalita sa mga iskolar na gawin ng mga ito ang nararapat bilang mga mag-aaral upang sa kanilang pagbabalik ay makatulong sila sa kanilang pamilya, sa kanilang komunidad at sa pamahalaan. Binigyang-diin din ang pagtanaw ng utang na loob sa Panginoon, sa magulang at sa mga tumulong sa pagkamit nila ng kanilang pangarap.

Ang mga iskolar ay mag-aaral sa La Verdad Christian College sa Apalit, Pampanga na binigyan ng kalayaang makapamili ng dalawa o apat na taong kursong nais nilang tapusin. Walang gagastusin ang mga iskolar sa kanilang pag-aaral. Tanging hiling lamang ng mga sponsor na ibigay ng mga magulang ang kaukulang suportang kailangan pa ng kanilang mga anak tulad ng paghikayat sa mga itong mag-aral ng mabuti at pagbisita din sa kanila sa panahong nag-aaral ang mga ito.  (BARecebido, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment