Thursday, June 13, 2013

Watawat ng Pilipinas makikita sa mga pampublikong paaralan, tanggapan at pribadong establisimyento sa Sorsogon City



Philippine Flag
Ni: FB Tumalad

LUNGSOD NG SORSOGON, Hunyo 12 (PIA) – Simula pa kahapon ay makikitang halos karamihan sa mga batang mag-aaral sa elementarya ay mayroong dalang watawat ng Pilipinas.

Ang watawat ng Pilipinas ay taunan nang pinapagawa ng mga guro sa mga batang mag-aaral upang itatak sa isipan ng mga ito kung ano ba talaga ang kahulugan ng bandila ng Pilipinas at bakit sila kailangan maging pamilyar nito.

Ayon sa kasaysayan ang kauna-unahang bandila ng Pilipinas na may disenyong kulay asul, pula at puting trayanggulo, araw at sinag nito at tatlong bituin ang unang tinanggap taong 1898 sa kasagsagan ng labanan ng Espanya at Pilipinas.

Ang bandila ng Pilipinas ay sumasagisag sa isang bansang malaya at  pagiging Pilipino, kung saan ang disenyo nitong walong sinag ay kumakatawan sa walong probinsya  na  nasa estado ng digmaan na kinabibilangan ng Maynila, Cavite, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Laguna at Batangas.

Ang tatlong bituin naman ay sumisimbolo sa tatlong malalaking kontinente ng Pilipinas, ito ay ang Luzon, Visayas at Mindanao habang ang puting trayangulo naman ay sagisag ng pagkapantay-pantay ng mga Pilipino.

Ang kulay asul ay simbolo ng kapayapaan, katotohanan at hustisya, at ang kulay pulang disenyo ay sumasagisag ng katapatan sa bansa at pagiging makabayan.

Mapupuna rin ang mga naglalakihang bandilang nakasabit sa mga pribadong tindahan sa kabisera ng lungsod na nakikiisa sa ika-isandaan at labinlimang taong ng kalayaan ng Pilipinas at upang sariwain ang kabayanihang ipinakita ng mga Pilipinong nagbuwis ng kanilang mga buhay para lamang makamit ng bansa ang tunay na kalayaan. (FB Tumalad, PIA Sorsogon)


No comments:

Post a Comment