Isang misa ang ginanap bago ang pormal na oath-taking ng mga halal na opsiyal. |
Ni: Bennie A. Recebido
LUNGSOD NG
SORSOGON, Hulyo 1 (PIA) – Dinagsa ng mga Sorsoganon mula sa iba’t-ibang bahagi
ng lalawigan ang ginawang oath-taking ceremony ng mga bagong halal na opisyal
ng lungsod at ng probinsya ng Sorsogon kahapon sa Provincial Gymnasium.
Unang
nanumpa ang mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan na sinundan ni Bise
Gobernador Antonio Escudero at Gobernador Raul R. Lee. Si Judge Rofebar Gerona
ang nangasiwa sa pagpapasumpa sa nasabing mga opisyal.
Dalawa sa
mga nahalal na Board Member ang hindi dumalo sa nasabing oath-taking kung saan
nauna na itong nanumpa sa pwesto.
Sinundan
naman ito ng pagpapasumpa ni Judge Cynthia Falcotelo-Fortes ng mga nanalong
opisyal ng lungsod ng Sorsogon mula sa mga bagong halal na konsehal at bagong
alkalde na si Sorsogon City Mayor Sally A. Lee.
Hindi rin
dumalo sa nabanggit na oath-taking ang bagong halal na Bise Alkalde ng lungsod
at ang lima pang nga bagong halal na City Councilor – isa mula sa West
District, isa mula sa East District at tatlo mula sa Bacon District.
Sa naging
inaugural address ni City Mayor Sally A. Lee, sinabi nitong magiging katuwang
ng lungsod ang lalawigan ng Sorsogon upang makamit ang mga layuning nakapaloob
sa HEARTS Program o ang programang Health, Education and Environment, Agriculture, Rural
Development, Tourism and Shelter
na kapwa nila isinusulong ni Governor Lee.
Aniya,
wawalisin nya ang mga aktibidad na hindi makatutulong sa pag-unlad ng lungsod.
Ilan sa mga ito ay ang illegal fishing, illegal logging, sabong, droga, ilegal
na transaksyon sa loob ng mga tanggapan sa lungsod at bibigyang solusyon din
niya ang suliranin sa trapiko, pinakatuwang niya umano sa pagsugpo sa mga
ilegalidad ang Philippine National Police.
Sinabi din
ni Mayor Lee na ibabalik nya ang nasimulan na niyang programa kaugnay ng
pagsusulong ng Character City, at magsasagawa din sya ng lingguhang ulat sa mga
tao kung ano ang nagawa ng pamahalaang lungsod.
Dagdag din
niya na humingi na sya ng tulong sa mga national agencies, non-government
organization, at ilang development-oriented person upang magbigay ng payo at
gabayan siya upang mas mapalago pa ang ekonomiya ng lungsod.
Sa
pagtatapos ng kanyang mensahe, binigyang hamon niya ang mga taga-lungsod na makipagtulungan
sa kanya upang gawing model city ang lungsod ng Sorsogon. (BARecebido, PIA
Sorsogon)
No comments:
Post a Comment