Monday, July 1, 2013

Bagong halal na opisyal ng lungsod at lalawigan ng Sorsogon pormal nang nanumpa

Isang misa ang ginanap bago ang pormal na oath-taking ng mga halal na opsiyal.
Ni: Bennie A. Recebido

LUNGSOD NG SORSOGON, Hulyo 1 (PIA) – Dinagsa ng mga Sorsoganon mula sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan ang ginawang oath-taking ceremony ng mga bagong halal na opisyal ng lungsod at ng probinsya ng Sorsogon kahapon sa Provincial Gymnasium.

Unang nanumpa ang mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan na sinundan ni Bise Gobernador Antonio Escudero at Gobernador Raul R. Lee. Si Judge Rofebar Gerona ang nangasiwa sa pagpapasumpa sa nasabing mga opisyal.

Dalawa sa mga nahalal na Board Member ang hindi dumalo sa nasabing oath-taking kung saan nauna na itong nanumpa sa pwesto.

Sinundan naman ito ng pagpapasumpa ni Judge Cynthia Falcotelo-Fortes ng mga nanalong opisyal ng lungsod ng Sorsogon mula sa mga bagong halal na konsehal at bagong alkalde na si Sorsogon City Mayor Sally A. Lee.

Hindi rin dumalo sa nabanggit na oath-taking ang bagong halal na Bise Alkalde ng lungsod at ang lima pang nga bagong halal na City Councilor – isa mula sa West District, isa mula sa East District at tatlo mula sa Bacon District.

Sa naging inaugural address ni City Mayor Sally A. Lee, sinabi nitong magiging katuwang ng lungsod ang lalawigan ng Sorsogon upang makamit ang mga layuning nakapaloob sa HEARTS Program o ang programang Health, Education and Environment, Agriculture, Rural Development, Tourism and Shelter na kapwa nila isinusulong ni Governor Lee.

Aniya, wawalisin nya ang mga aktibidad na hindi makatutulong sa pag-unlad ng lungsod. Ilan sa mga ito ay ang illegal fishing, illegal logging, sabong, droga, ilegal na transaksyon sa loob ng mga tanggapan sa lungsod at bibigyang solusyon din niya ang suliranin sa trapiko, pinakatuwang niya umano sa pagsugpo sa mga ilegalidad ang Philippine National Police.

Sinabi din ni Mayor Lee na ibabalik nya ang nasimulan na niyang programa kaugnay ng pagsusulong ng Character City, at magsasagawa din sya ng lingguhang ulat sa mga tao kung ano ang nagawa ng pamahalaang lungsod.

Dagdag din niya na humingi na sya ng tulong sa mga national agencies, non-government organization, at ilang development-oriented person upang magbigay ng payo at gabayan siya upang mas mapalago pa ang ekonomiya ng lungsod.


Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, binigyang hamon niya ang mga taga-lungsod na makipagtulungan sa kanya upang gawing model city ang lungsod ng Sorsogon. (BARecebido, PIA Sorsogon)

No comments: